ISINUSULONG ni House Ways and Means Committee Chairman at Albay Rep. Joey Salceda ang reporma sa pension system ng mga uniformed personnel.
Ito ay bunsod na rin ng ginawang pag-aaral ng Government Service Insurance System (GSIS) na umabot na sa P9.6 trillion ang financial obligations ng mga kasalukuyang active personnel.
Giit ni Salceda, ang halagang ito ay kalahati na ng Gross Domestic Product (GDP) ng bansa at anumang pension liability na sakop ang kalahati ng ekonomiya ay isang malaking problema.
Dahil dito, umapela ang kongresista na agad resolbahin ang problema sa inihain nitong House Bill 8593 o ang Military and Uniformed Personnel (MUP) Pension Reform Bill na layong gawing unified ang sistema para sa separation, retirement at pension ng mga military at uniformed personnel.
Sa ilalim ng panukala ni Salceda ay magpapatupad ng mandatory contributions kung saan sa unang tatlong taon ay 5% sa empleyado at 16% sa national government ; sa susunod na tatlong taon ulit ay tataas na sa 7% ang kontribusyon ng empleyado at 14% sa gobyerno; at sa mga susunod na taon ay 9% na sa empleyado at 12% naman sa national government.
Nakasaad din sa panukala ang pagpapatigil sa indexation o adjustment sa pensiyon na siya namang ire-review periodically at maaaring i-adjust hanggang sa maximum na 1.5%.
Itatakda naman sa 56 taong gulang ang pensionable age ng mga MUP kahit ilang taon pa lang ang kanilang serbisyo.
Pinalilikha rin ng MUP Retirement Fund Authority na pamumunuan ng bagong entity bilang administrator at ang GSIS naman ang mag-sisilbing fund manager.
Pinatutukoy rin sa panukala ang iba pang pagkukunan ng pondo para sa MUP pension tulad ng pagbebenta o pagpaparenta ng assets ng MUP at national government gaya ng Manila Bay reclamation at iba pang identified na assets. CONDE BATAC
Comments are closed.