NAGHAIN si Senador Jing- goy Ejercito Estrada ng panu- kalang batas na layong bigyan ng 20 porsiyentong diskwento sa travel tax ang mga senior citizen para mapagaan ang kanilang gastusin sa tuwing nanaisin nilang bumiyahe sa loob at labas ng bansa.
“Para sa mga kagaya ko na senior citizen na nais na makapag-travel sa iba’t ibang lugar, maging sa ibang bansa, malaking bagay kung may diskwento sa mga gastusin nila, lalong-lalo na sa mga binabayarang buwis.
Para sa mga ordinaryong senior citizens, ang matitipid nila ay maaari nilang ipantustos sa iba pa nilang mga bayarin,”ani Estrada.
Inihain ni Estrada ang Senate Bill No. 2379 na naglalayong bigyan ang senior citizens ng 20 porsiyentong diskwento sa travel taxes.
Kung maaaprubahan, palalawakin nito ang Section 4 sa ilalim ng Republic Act No. 7432 na kilala rin bilang “An Act to Maximize the Contribution of Senior Citizens to Nation Building, Grant Benefits and Special Privileges and for other purposes” o ang “Senior Citizens Act.”
Pangunahing pakay ng panukalang ito na gawing mas abot-kamay at kasaya-saya ang pagbihaye ng mga senior citizen at bawasan ang mga gastusin nila lalo na’t limitado na ang kanilang kakayahan sa pananalapi at karamihan sa kanila ay mga retirado na sa trabaho.
Sinabi ni Estrada na ang iminumungkahi niyang diskwento ay naglalayong hikayatin ang mga senior citizen na magbiyahe, tuklasin ang mga bagong lugar at maranasan ang iba’t ibang kultura na maaaring makaambag pa sa kanilang pangkalahatang kalidad ng buhay.
Binigyang-diin pa ng senador na ang paglalakbay ay nagpapalakas ng mga ugnayan at pakikilahok sa lipunan na mahalaga para sa mental at emosyonal na kapakanan ng mga senior citizen at sa kanilang patuloy na pakikilahok sa pambansang kaunlaran.
“Kung maisasabatas ito, hindi lang 20 percent at VAT exemptions sa room accommodations, discounts sa restaurants ang mapakikinabangan nila sa pagliliwaliw nila sa iba’t ibang sulok ng bansa,” sabi ni Estrada.
-VICKY CERVALES