NAALARMA ang mga senador dahil sa patuloy na pagdami ng spam at scam text message, na nag-udyok sa kanila na itulak ang agarang pagpasa ng SIM Card registration bill.
Ang panawagan ay matapos mapansin ng ilang senador sa regular session ng Senado na sila mismo ay nakatatanggap ng text scam, kabilang si Sen. Jinggoy Estrada, na nagbahagi ng ilang insidente kung saan ang mga scammer ay nagpanggap bilang mga lokal na opisyal, board member, o mayor.
“Nakapanlulumong malaman na ang gamit ko na mobile number para sa aking mga opisyal na gawain ay napasakamay na pala ng mga manloloko at ang higit na nakakabahala ay ang posibilidad na nagpasalin-salin na sa kung kani-kaninong poncio pilato ang isang dapat sana ay pribadong impormasyon,” sinabi ni Estrada.
Nabanggit niya na nagpapatuloy ito kahit pa i-block na ang numbers ng mga ito hangga’t maaari nilang magamit ang mga prepaid numbers.
“The anonymity they’re enjoying is their shield from their accountability in their abusive practices,” ayon kay Estrada.
Umapela rin si Senate President Juan Miguel Zubiri sa kanyang mga senador na ipasa ang SIM Card Registration bill bilang batas, upang wakasan ang lahat ng text scam at spam.
“Let’s pass it once again hopefully before the break to show the public that we mean business when it comes to stopping all sorts of text scams,” ayon kay Zubiri.
Samantala, ipinakita ni Senador Joel Villanueva na mahirap ito para sa publiko.
“This is not just happening among us here in the Senate hall; this is happening all over the country,” ani Villanueva. LIZA SORIANO