(Itinutulak sa Senado) PARUSA SA MGA SANGKOT SA FINANCIAL SCAMS

ISINUSULONG ni Senador Win Gatchalian ang panukalang batas na layong parusahan ang mga nare-recruit bilang money mules, mga nakikibahagi sa social engineering schemes at kung ano-anong pang mga financial scam.

Alinsunod sa pangako ng administrasyon na palawakin ang digital na transaksiyon upang mapag-ingat ang publiko mula sa mga scammer at mapang-abusong nagpapautang sa online platform, inihain ni Gatchalian ang Senate Bill 2407, o ang Anti-Financial Account Scamming Act.

“Kailangan nating protektahan ang integridad ng sistema ng pananalapi sa bansa at tiyakin na ang mga financial account at ang mga may-ari nito ay protektado at hindi napagsasamantalahan o naaakit ng mga sindikato sa online platform o mga cybercriminal,” sabi ni Gatchalian.

Ani Gatchalian, ang pandemya ang nagbigay-diin sa kahalagahan ng cashless transaction at digital payments na dahil dito ay lumawak ang digital financial services na sinamantala rin agad ng mga masasamang loob.

“Hanggang ngayon ay laganap pa rin ang mga cybercriminal na nananamantala gamit ang teknolohiya upang maglipat ng mga ninakaw na halaga ng pera, kabilang dito ang pagnanakaw ng mahahalagang impormasyon tungkol sa may-ari ng account at pagkuha sa kanilang mga account, o pag-akit sa mga account holder ng mga regalo at anumang insentibo upang maisagawa lang ang layuning makapagnakaw,” anang senador.

Bilang tugon sa tumataas na paglaganap ng mga ganitong masasamang aktibidad, idiniin ng mambabatas ang mahigpit na pangangailangan na magpatupad ng isang panukala na nagpapataw ng parusa sa mga indibidwal na kasabwat sa mga ilegal na transaksiyon, mga taong nakikibahagi sa mga pandaraya gamit ang mga social engineering na taktika at iba pang mapanlinlang na mga pakana na nagsasamantala sa mga financial account.

Saklaw nito ang mga aksiyon tulad ng account takeover, pagre-recruit ng mga kaanib sa ganitong mga ilegal na aktibidad, at pagsasagawa ng mga aktibidad na maihahambing sa economic sabotage na naglalagay sa panganib ng mga financial account at integridad ng sistema ng pananalapi sa bansa.
VICKY CERVALES