(Itinutulak sa Senado)DIGITAL TEXTBOOKS

ebook

UPANG maisakatupan ang 1:1 textbook-student ratio, isinusulong ni Senador Jinggoy Ejercito Estrada na magkaroon ng digital copies ang lahat ng textbooks at reference books sa mga pampublikong paraalan sa elementary at secondary levels.

“Kung pipilitin natin na mabigyan ng sapat na bilang ng libro ang bawat mag-aaral sa mga pampublikong paaralan, matatagalan pa ito. Ang pagkakaroon ng digital copies na ma-a-access nila gamit ang internet ang tanging paraan na nakikita ko upang magutunan ang kanilang pangangailangan,” giit ni Estrada sa inihaing Senate Bill No. 2075.

Sa kanyang SBN 2075 o ang panukalang Philippine Online Library Act, magtatatag ng Philippine Online Library na magsisilbing repository ng lahat ng digitized copies ng textbooks at reference materials na ginagamit ng mga mag-aaral sa public elementary at secondary levels.

“Kung ang mga ito ay available na online, makakadagdag ito sa mga kasalukuyang silid-aklatan ng mga paaralan maging ng mga local government units sa buong bansa at makakatulong din sa mga guro at mag-aaral lalo na sa mga gumagamit ngayon ng iba’t ibang paraan ng pag-aaral,” ani Estrada.

“Ang kakulangan ng textbooks sa mga pampublikong paaralan ay patuloy nating tinutugunan at dahil na rin sa dami ng mga mag-aaral, hindi natin maisakatuparan ang ideal na. Sa pamamagitan ng Philippine Online Library, mapupunan na nito ang pangangailangan sa libro lalo na sa mga mag-aaral na may internet connectivity,” sabi pa ng senador.

“Bukod sa mapupunan na ang mga pangangailangan ng mga mag-aaral at guro, ang pagkakaroon ng database ay magiging kapaki-pakinabang sa kasalukuyan at sa mga susunod na henerasyon,” dagdag pa niya.

Sa ilalim ng SBN 2075 ni Estrada, itatalaga sa Department of Education (DepEd) ang paggawa ng digitized copies ng lahat ng textbook at reference books ng mga mag-aaral sa public elementary at secondary levels.

Ang mga ito ay ilalagak sa ipinapanukalang Philippine Online Library na magkatuwang na pamamahalaan ng DepEd at Department of Information and Communications Technology (DICT).

Para matiyak ang access sa mga ito, maglalagay ng mga computer at laptop ang DepEd sa lahat ng pampublikong primary at secondary schools at ang DICT naman ay aatasan na maglagay ng mabilis at maaasahang internet connection.

Imamandato rin sa panukalang batas ni Estrada ang pag-recycle ng mga computer, laptop at iba pa ng lahat ng national government agencies, GOCCs at government financial institutions.

Ang kanilang mga lumang computers na papalitan nila ng bago ay ieendorso ng DepEd sa DICT para suriin kung nasa maayos na kondisyon pa rin ang mga ito bago ipamahagi sa mga primary at secondary schools sa buong bansa. Sa ganitong paraan, mababawi ang gastusin sa pagbili ng mga computer ng mga mag-aaral. Ang DepEd at ang National Library of the Philippines ang mangangalaga sa digitized copies ng mga textbook.

Ipinapanukala rin ang paglalaan ng Kongreso ng paunang halaga na P500 milyon na pamamahalaan ng DepEd at DICT para maipatupad ang nasabing programa.

VICKY CERVALES