(Itinutulak sa Senado)PROTEKSIYON SA GIG WORKERS

ISINUSULONG ni Senadora Risa Hontiveros ang isang hakbang upang maprotektahan ang mga karapatan at kapakanan ng dumaraming manggagawang Pilipino sa gig economy, kabilang na rito ang delivery riders at iba pang freelancers.

Inihain ni Hontiveros ang Senate Bill No. 1373, o ang Protektadong Online Workers, Entrepreneurs, Riders at Raketera (POWERR) Act.

“Ang layon ng POWERR Act ay ma-empower ang delivery riders at freelancers. Ang pagpasa nito ay magbibigay sa kanila ng kaukulang social protection katulong ang iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan,” ani Hontiveros.

“This will guarantee that the rights of the delivery riders and online freelancers are protected. It will mandate the state to craft standards for regulations in relation to the services that these workers perform,” dagdag pa niya.

Sa ilalim ng panukalang batas, aatasang bayaran ang manggagawa ng online platforms ng hindi bababa sa minimum wage, ito man ay nakabatay sa oras ng serbisyo o kada proyekto.

Mabibigyan din ng benepisyo ang mga manggagawa gaya ng PhilHealth, SSS, PAGIBIG at iba pa. Ang mga babaeng manggagawa ay bibigyan din ng maternity benefit sa paraan at halagang itinakda ng SSS.

“Because work conditions in the gig economy are often unstable, workers in this sector are more affected by economic shocks and the lack of clear rules. Kailangan nila ng steady income at masasandalan na mga benepisyo para may matanggap sila sakaling magsakit, mabuntis o magretiro,” sabi pa ni Hontiveros.

Kapag naipasa na ang panukalang batas, mabibigyan din sila ng karapatan na mag-organisa, magsagawa ng collective bargaining at makipagnegosasyon sa kanilang mga provider. Magkakaroon din sila ng karapatang malaman ang tungkol sa anumang desisyon o aksiyon ng algorithmic system ng mga provider na posibleng makaapekto sa kanilang hanapbuhay.

Pananagutin din ang mga online platform sakaling maaksidente o magtamo ng pinsala ang mga manggagawa habang sila ay nasa tungkulin, lalo na ang mga delivery rider. Sisiguruhin din ng mga kompanya na may transparency sa kanilang mga algorithmic management system.

“Despite being our ‘quarantine heroes’, their safety and health are always on the line. Kung tunay silang katuwang ng mga kumpanya para maghatid ng serbisyo, hindi ba’t nararapat lang din na may pananagutan sila sakaling may madisgrasya sa gitna ng trabaho?,” ani Hontiveros.

“Dapat nang tugunan ang mga hinaing ng ating delivery riders at online platform workers. They have been bearing the risk of labor abuses due to gaps in our laws and policies. It’s time we put their sufferings to an end,” dagdag pa niya.

VICKY CERVALES