ANG bawat kalamidad o trahedya, at ang kaakibat nitong pinsala sa buhay at pag-aari ng mga biktima, ay tila isang masakit na singil sa pag-abuso ng tao sa biyaya ng kalikasan. Bagama’t patuloy ang panawagan na maging handa upang makaligtas sa panganib kung may mga kalamidad, sadyang ‘di naii-wasang may mga yamang nasisira at buhay na nawawala.
Sa kasagsagan ng pananalasa ng bagyong Ompong kamakailan lamang sa Luzon partikular sa hilagang bahagi nito, muli na namang nasubukan ang katatagan ng mga kababayan nating nakaranas ng hagupit ng kalikasan. Naging saksi ako sa lupit at lakas na ipinamalas ng bagyong Ompong sa Hilagang Luzon. Sa utos ng ating Pangulong Duterte, pinamunuan ko ang disaster relief and rescue operations sa nasabing rehiyon. Maging sa ground zero sa Barangay Ucab, Itogon, Benguet ay nakapagpaabot tayo ng pakikiramay at tulong para sa mga kababayan nating labis na napinsala ng nakalulungkot na landslide doon. Bagama’t malubha ang naging pinsala sa buhay at ari-arian ng mga mamamayan, patuloy na bumabangon ang ating mga kababayan at natututo sa aral ng kanilang mga karanasan.
Maiiwasan naman sana ang mga ganitong trahedya kung mas maipauunawa at mabibigyang-diin ang mga geohazard maps sa ating bansa. Ang pagguho ng lupa na naganap sa Itogon, Benguet na kumitil ng humigit kumulang pitumpu’t apat (74) na buhay ay muling nagpapaalala sa atin ng kahalagahan ng mga geohazard maps bilang isang kasangkapan sa pag-iwas sa pagkawala ng buhay at pagkasira ng mga ari-arian na dulot ng mga likas at ‘di likas na trahedya. Sa mga talaang ito ay naipakikita ang mga lugar na maaaring makaranas ng pagbaha, pagkalusaw o pagguho ng lupa at maging paglindol. Nagagamit na batayan ang mga mapang ito sa development planning ng mga lokal na pamahalaan sapagkat nasasaad dito ang mga lugar na matatag ang pundasyon ng lupa at sa gayo’y ligtas na pagtayuan ng mga istruktura.
Sa kasaysayan ng ating bansa, ilan lamang ang mga sumusunod sa mga pinakamalalang landslide na naitala: (1) ang pagguho sa Guinsaugon, St. Bernard, Southern Leyte dulot ng isang lindol noong 2006 na ikinamatay ng humigit kumulang 1,200; at (2) ang mudslide mula sa Bulkang Mayon noong Nobyembre 2006 dulot ng Bagyong Reming na kumitil ng mahigit 1,200 katao. Sa buong kasaysayan ng daigdig, ang pinakamapaminsalang landslide ay naitala sa Haiyuan Flows, Ningxia, China noong Disyembre 1920 na bunsod ng isang 8.5 magnitude na lindol at sumingil ng higit sa isandaang libong buhay.
Bahagi ng pre-emptive response natin, maging ito ay para sa kalamidad, sakuna at iba pang hindi matutukoy na kaganapan, ang pagsasa-alang-alang ng mga lokal na pamahalaan sa mga banta ng panganib sa kanilang mga nasasakupang lugar. Mabisang instrumento ang mga geohazard maps upang masigurong ligtas ang mga mamamayan at nasa pinakamababang lebel ang pinsalang maaaring maidulot sa personal at pampublikong mga aria-arian.
Comments are closed.