ITR FILING MAS PINADALI

Erick Balane Finance Insider

MULING inulit ng Bureau of Internal Revenue (BIR) na wala nang extension ang April 15 deadline ng paghahain ng income tax return.

Ayon sa BIR, wala nang dahilan para mahuli pa ang mga taxpayer dahil mas pinadali ang pagbabayad ng buwis.

Ang mga self-employed individual at professional ay dalawang pahina na lamang ng dokumento ang kailangang sagutan kumpara sa dating 12 pahina.

Ang mga indibiduwal na kumikita ng P3 million pababa ay dalawang pahina na rin ang dapat sulatan na dokumento at ito ay para mas mapadali ang proseso ng income tax filing.

Nagsanib-puwersa naman ang apat na pinakamalalaking regional offices ng BIR – Makati City, Quezon City, City of Manila at Caloocan City – sa pamamagitan ng pagbubukas sa publiko ng additional filing centers upang tumulong at uma­gapay para mapabilis ang computations ng babayarang buwis.

Ang mga additional filing center ay matatagpuan sa mga regional office at maging sa mga revenue district office, ayon kina BIR Regional Directors Glen Geraldino (Makati City), Marina De Guzman (City of Manila), Romulo Aguila, Jr. (Quezon City) at Manuel Mapoy (Caloocan City).

Samantala, binawasan ng BIR ang collection target nito para sa taon sa P2.271 trillion, bahagyang mas mababa sa initial goal na P2.33 trillion.

Ang 2019 goal ay mas mataas ng 14 percent sa total collection na P1.962 trillion noong 2018, ang unang taon ng implemen-tas­yon ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) law.

Ipinatupad noong December 2017, binabaan ng TRAIN law ang personal income tax rates habang tinaasan naman ang excise taxes para sa mga produktong ­petrolyo,  automobiles, at nagpataw ng buwis sa sugar sweetened beve­rages.

Naniniwala naman ang Development Budget Coordinating Committee (DBCC) na mu­ling makaka-recover sa tax collections ang BIR at ang Bureau of Customs (BOC) ngayong 2019 para mas maagang matapos ang ‘Build, Build, Build’ projects ng admin-istrasyong Duterte.

Muli ring nagbabala ang BIR na kakasuhan ang mga delinquent taxpayer at nangakong paiigtingin ang ‘tax campaign’ para makakuha ng karagdagang koleksiyon ng buwis.



Para sa komento o opinyon, mag-text lamang po sa 09266481092 o mag-email sa [email protected].

Comments are closed.