MAS MADALI na ngayon para sa mga self-employed individual at professional ang paghahain ng kanilang income tax return (ITR).
Sa bagong ITR form ay dalawang pahina na lamang mula sa 12 ang pupunan at maaari rin itong isumite online.
Umaasa ang Bureau of Internal Revenue (BIR) na sa pamamagitan nito ay maiibsan ang paghihirap ng self-employed individuals, professionals at freelance workers.
Ang hakbang ay nakapaloob sa Revenue Memorandum Circular No. 17-2019, na nagtatakda ng bagong BIR Form No. 1701A o ang Annual Income Tax Return for Individuals Earning Purely from Business/Profession.
Ang mga indibidwal na kumikita ng P3 million o mas mababa kada taon ay kailangan na lamang mag-fill out ng 2-pahinang form, habang ang 4-pahinang form ay para sa mga sumasahod ng mahigit P3 million kada taon.
“Kalalabas lang ng BIR Form na 1701 A pero ito lang ay para sa mga individual na purely business o kaya in the conduct of their profession,” wika ni BIR regional district office supervisor Marissa Diola.
“’Di ba sinimplify na lang natin na mayroon tayong eight percent na based on gross. Ito po ang gagamitin nila… pero may lalabas pa po na isa pang re-turn ‘yun ay para roon sa mga business din siya pero itemized po ‘yung deduction niya isa-isa,” dagdag pa niya.
Bukod sa pinaunting pahina, ang ITR ay maaari ring ihain online.
“Doon sa website, kailangang i-download E-BIR Form. Ang latest ay ang 7.3 version para mapalabas ang bagong form na 1701 A,” ani Diola. “’Pag na-open mo na siya dapat may Tax Identification Number (TIN). Valid ang TIN, tsaka pangalan.”
“Importante riyan valid TIN mo, tapos ise-select ‘yung RDO Code kung saan… ilagay pangalan mo ‘yung TIN, Zip code, telephone number. Tapos diyan sa list ng BIR Form may ipi-fill up ka diyan ise-select kung anong klaseng return ang iyong hahanapin.”
Nilinaw niya na ang online filing ay maaari lamang isagawa kapag walang babayaran sa BIR. ERICK BALANE
Comments are closed.