(Ivory Coast pinulbos) TUNE-UP GAMES WINALIS NG GILAS

Gilas

SUMANDAL ang Gilas Pilipinas sa malakas na second half upang igupo ang Ivory Coast, 94-83, at makumpleto ang sweep sa kanilang two-game tune-up matches sa Palacio Multiusos de Guadalajara sa Spain.

Tumabo si naturalized player Andray Blatche ng double-double 18 points at 10 assists, habang tumapos si Paul Lee na may 16 points upang pangunahan ang malaking pag­hahabol ng Gilas sa se­cond period.

Naghabol ang Nationals sa 19-28 matapos ang opening period bago nag-init si Lee upang tulungan ang koponan na tapyasin ang deficit sa lima sa break.

Nagbida si Blatche sa second half, kung saan naitala niya ang 11 sa kanyang mga puntos at sa wakas ay lu­mamang ang mga Pinoy, 79-75, papasok sa final quarter.

“We settled down after the half. We scored 34 points in the third quarter to take the lead for good after 36 minutes of play,” wika ni deputy coach Ryan Gregorio.

Kumana si Blatche ng 3-of-7 mula sa three-point range at nagtala si Lee ng 3-of-4 upang tulungan ang mga Pinoy na maiposte ang ikalawang sunod na panalo makaraang unang tambakan ang Congo, 102-80.

Tumipa si Japeth Aguilar ng 12 points habang nag-ambag si CJ Perez ng 11 para sa Gilas, na hindi pinaglaro si veteran guard Gabe Norwood dahil sa mild groin strain na kanyang natamo sa laro kontra Congo.

Susunod na tutungo ang Gilas sa Malaga para sa four-country pocket tournament kung saan sasamahan ito ng host country Spain.

Muling makakasagupa ng mga Pinoy ang Congo habang makakaharap ng Spain ang Ivory Coast, kung saan magtutuos ang mga mag­wawagi.

Comments are closed.