IWAS-KRISIS DIN SA SUPLAY NG BABOY

Magkape Muna Tayo Ulit

MATAPOS tayong makaranas ng krisis sa tubig, may nagbabad­yang krisis naman tayo sa suplay ng karneng baboy sa merkado.

Isang grupo ng mga magsasaka ang pumuna kay Agriculture Secretary Manny Piñol sa kakulangan ng kanyang ahensiya ng programa ukol sa pag-iwas at pagkontrol sa posibleng paglala ng problema sa isang virus na maaaring kumalat sa mga baboy sa bansa.

Kung sakali, ito ay maituturing na isang panganib na tiyak na makaaapekto sa ekonomiya at sa antas ng employment ng bansa. Marami na ang nawalan ng hanapbuhay matapos mapabalitang kumalat na ang virus na ito sa ating kalapit bansang Vietnam.

Ang African Swine Fever (ASF) virus ay isang malubhang sakit na tumatama sa mga kinakain nating karne ng baboy. Ang sakit na ito ay maaaring makuha sa patay o buhay na baboy na apektado ng ASF. Maaari rin itong kumalat sa pamamagitan ng mga produktong baboy. Maaari rin itong mailipat sa pamamagitan ng mga kontaminadong pagkain at maging sa mga hindi buhay na bagay gaya ng sapatos, damit, sasakyan, kutsilyo, at mga kagamitan. Wala pang aprubadong bakuna laban sa ASF na sanhi ng ibang virus, ayon sa Wold Organization for Animal Health.

Nangangamba si Teody de Belen, ang national vice president ng Association of Free Farmers (AFF), na kapag hindi ito agarang natugunanan ng Dept. of Agriculture  ay maaaring magkakrisis tayo sa suplay ng karneng baboy.

Dagdag pa ni De Belen, dapat ay pangunahan ni Sec. Piñol ang pagsiguro na hindi magiging epidemya ang nasabing ASF.

Kaugnay sa isyung ito, hinihikayat ng Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG) ang Senate Committee on Agriculture at Public Services na pinamumunuan nina Senadora  Cynthia Villar at Grace Poe na imbestigahan ang nangyayaring kakulangan sa preparasyon ng nasabing kagawaran ukol sa posibleng pagpasok ng nakamamatay na virus na narito na ngayon sa ASEAN region at unti-unti nang lumalapit sa bansa sa pagdapo nito sa Vietnam noong Pebrero 2018.

Nakatakdang simulan ng Senado ang imbestigasyon sa Miyerkoles, ika-20 ng Marso.

Sa datos na inilabas ng World Organization for Animal Health noong ika-1 ng Marso, nakatala ang Vietnam bilang isa sa mga bagong bansa na naapektuhan ng nasabing nakamamatay na virus. Sinasabing napakabilis ng pagkalat nito at sa kasalukuyan ay may naitala nang 2,022 na namatay na baboy. Napakanipis ng pagkakataon na makaligtas ang baboy na tatamaan ng virus. Sa Asya, ang Vietnam ay nakapagtala na ng 11 na outbreak.

Batay sa obserbasyon, ipinahayag ni De Belen na kailangan ng bansa, sa pamumuno ng Department of Agriculture, ng agarang mga bio-security measure dahil sa limitadong mga impormasyon at kaalaman na hawak ng lokal na agrikultura at ng mga nasa industriyang ito ukol sa ASF.

Ayon pa kay De Belen, sa oras na maibahagi na ang mga impormasyong ito, magiging malaki rin ang responsibilidad ng Department of Agriculture sa pagtatatag ng tamang lokal at pambansang lebel ng koordinasyon at komunikasyon bilang bahagi ng kampanya laban sa pagkalat ng ASF sa Filipinas.

Comments are closed.