IWAS-NAKAW TIPS SA TUWING MAGTA-TRAVEL

IWAS-NAKAW

ISA SA inaalala natin sa tuwing magtutungo tayo sa ibang lugar ay ang mga importante o mahahalagang gamit o bagay na dala-dala natin. Walang katiyakan ang pagtungo natin sa isang lugar lalo na kung kauna-unahang pagkakataon nating magpunta roon. Kung minsan din, kahit na mag-ingat tayo ng sobra, may nangyayari pa ring hindi katanggap-tanggap o inaasahan.

Hindi naiiwasan ang may manlamang ng kapuwa. Sa panahon na magulo ang mundo at hindi mo mawari kung sino ang puwedeng pagkatiwalaan sa hindi, kailangang mag-ingat tayo. Dapat ay marunong tayong kumilatis ng kapwa. Alalahanin natin na may mga taong mapagpanggap pero kabaliktaran naman pala ng ipinakikita nila ang tunay nilang ugali.

Nakatatakot ang ganitong klaseng tao. Pero nakatatakot man, mali man ang kanilang ginagawa, hindi pa rin sila tumitigil. Ipinagpapatuloy nila ang kasamaang kanilang nakasanayan. Siguro nga, mahirap baguhin ang nakasanayan. Ika nga, mahirap tuwirin ang puno kapag malaki na ito. Kasi kahit na tuwirin mo, babaluktot at babaluktot ito. Matigas na kasi. Malaki na.

IWAS-NAKAWKunsabagay, hindi mabilang-bilang ang masasamang loob sa paligid. At kadalasan sa masasamang loob na iyan, nag-aanyong tupa. Nag-aanyong mabait. Tila hindi makabasag-pinggan. At kapag nakuha na ang loob mo, saka ka na gagawan ng masama. Saka nila isasakatuparan ang nais nilang mangyari.

Nakalulungkot mang isipin ngunit may mga tao talagang mas pinipiling ma­ging masama kaysa sa ang magpakabuti. Sa mundo, sadyang hindi nawawala ang kasamaan. Kasamaang kung minsan ay hindi nakikita ng ordinaryong tao. O puwede ring sabi­hing nagbubulag-bulagan sila’t ayaw nilang aminin sa sarili.

Ang paligid o mundo ay puno ng pakikipagtunggali. At bukod sa malalaking isyung bumabalot sa mundong ating ginagalawan, may mga maliliit na bagay ring dapat nating paghandaan o iwasan. Kagaya na lang ng manakawan habang nagta-travel.

At dahil puwede tayong manakawan kapag nagta-travel o nagtutungo sa ibang lugar, narito ang ilan sa mga iwas-nakaw tips:

HUWAG MAGDADALA NG HINDI NAMAN KAKAILANGANIN

Gusto nating ma­ging maganda at presentable sa kahit na anong sandali. Kaya naman, kung magtutungo tayo sa ibang lugar ay hindi maiiwasang magdala tayo ng mga gamit, damit o bagay na sa tingin natin ay makapagbibigay ganda sa ating kabuuan.

Pero para maiwasan ang manakawan kapag nagta-travel, iwasan ang pagdadala ng mga mamahaling gamit o alahas. Makabubuti rin kung isang pares o set lang ng alahas ang dadalhin at hindi ito kamahalan nang mawala man o mahablot man ng ‘di inaasahan, hindi ka ngangawa ng todo at maglulupasay sa lungkot at panghihinayang.

Hindi practical ang pagdadala ng mamaha­ling alahas sa biyahe.

Kapag kasi sobrang mahal o branded ang mga gamit mo, matatawag ang pansin ng mga masasamang loob.

Mahilig din tayong mag-explore lalo na kung bago tayo sa lugar. Huwag ding magdadala ng maraming pera at mamahaling gadgets kapag naglilibot-libot sa dinarayong lugar.

May ilan din na nagdadala ng dummy wallet. Para sakali mang may masamang loob na sapilitang kukunin ang wallet, dummy o decoy wallet na may kaunting cash at expired na ID ang ibinibigay.

MAG-INVEST NG THEFT-PROOF BAG

IWAS-NAKAWIsa rin sa mainam gamitin sa tuwing magta-travel ang theft-proof bag. May kamahalan nga lang ang ganitong klaseng bag. Pero magandang mag-invest nito para mai­ngatan mo rin ang iyong mga ga­mit habang nagta-travel ka.

Ang mga theft-proof bag ay slash-proof, RFID-blocking, water-resistant, at matibay.

Sabihin mang mahal ang ganitong mga klaseng bag, mapakikinabangan mo naman itong mabuti.

HUWAG MAGLALABAS NG MAMAHALING BAGAY O GAMIT

Iwasan din ang paglalabas ng mga mamahaling bagay o gamit sa matataong lugar. Kailangang ma­ging maingat ka lalo na kung nagbabakasyon ka’t hindi mo gaanong kabisado ang lugar na iyong dinarayo. Pero kahit din naman kabisado mo ang lugar, importante pa rin ang pag-iingat sa kahit na anong panahon dahil hindi natin alam kung kailan sasalakay ang masasamang loob.

Maging mapagma­tiyag. Siguraduhing aware ka sa paligid at sa mga taong nakasasalamuha mo. Huwag ding basta-basta makikipag-usap sa stranger o mga hindi kilalang tao.

IWASAN ANG PAGSUSUOT NG TAWAG-PANSING OUTFIT

Iyong sanay nang mag-travel, alam na alam nila kung anong klaseng damit o outfit ang dapat nilang suotin. Kumbaga, hindi sila nagsusuot ng mga outfit na tawag-pansin o iyong mga outfit na nagsasabi o nagpapahiwatig na turista o hindi sila nakatira sa lugar.

Kung first time traveler ka, isa sa dapat mong iwasan ang pagsusuot ng mga tawag-pansing outfit. Simple lang ang suotin at higit sa lahat, komportable. Dapat kasi ay mag-blend ka sa local. Kumbaga, pagtingin sa iyo ay aakalaing nakatira ka rin sa nasabing lugar. Mainam din kung magre-research sa pupuntahang lugar bago magtungo. Puwede rin namang aralin ang salitang kanilang ginaga­mit. Kahit iyong mga madalas lang gamitin o mga simpleng salita.

Maging maingat, iyan talaga ang susi upang maiwasang manakawan o mawalan ng gamit kapag nagta-travel. Maging maingat tayo kapag mamamas­yal o magbabakasyon nang masulit natin ang kagandahan ng dinayo nating lugar. CT SARIGUMBA

Comments are closed.