(Ni CT SARIGUMBA)
NAPAKA-CONVENIENT ang pagta-travel sakay ng eroplano. Sa pamamagitan nga naman nito ay mas madaling mararating ang iyong destinasyon kumpara sa ibang way of transport.
Ngunit sabihing mang napakadali lang ang pagta-travel sakay ng eroplano, hindi pa rin maiiwasang magkasakit habang bumibiyahe, o magkaroon ng aberya. Gaya ng pagka-delay ng flight, masiraan ang eroplano at kung ano-ano pa.
Ngunit ang higit na nakababahala ay ang pagkakaroon ng sakit habang bumibiyahe. Sa ilang pag-aaral, lumalabas na mahigit isa sa lima katao ang nagkakasakit matapos ang pagsakay sa eroplano. At ang kadalasang nakukuhang sakit ay ang cold at flu.
Hindi nga naman maitatangging marami tayong puwedeng makuhang sakit sa eroplano lalo na’t kung sino-sino ang sumasakay roon. Maaari tayong mahawa sa mga pasaherong may mga sakit. Sinasabi ring punumpuno ng germs ang naturang sasakyan.
Pero dahil nga lahat ng bagay ay may solusyon, narito ang ilang tips para maging healthy at maiwasang magkasakit habang bumibiyahe at pagkata-pos ng ginawang pagliliwaliw:
PALAKASIN ANG IMMUNE SYSTEM
Malakas na resistensiya ang isang paraan upang hindi tamaan ng iba’t ibang sakit. Kaya’t bago pa lang ang araw ng paglalakbay, palakasin na ang immune system. Uminom ng Vitamin C.
Tiyaking malakas ang resistensiya bago, habang at matapos ang pagbiyahe.
PANATILIHING MALINIS ANG MGA KAMAY
Panatilihin ding malinis ang mga kamay sa kahit na anong sandali nang hindi magkasakit. O hindi mahawaan ng kahit na anong sakit habang sakay ng eroplano.
Mahalaga rin ang pagdadala ng antibacterial wipes o hand sanitizer nang may magamit na panlinis ng kamay matapos na humawak sa mga bagay na hinahawakan ng marami gaya ng door knob.
Kamay nga naman natin ang madaling kinakapitan ng dumi kaya’t matapos na humawak sa mga bagay na hinahawakan din ng marami gaya nga ng door knob, linisin kaagad gamit ang wet wipes o antibacterial wipes.
Hangga’t maaari rin, iwasan ang paghawak sa kung saan-saan.
IWASAN ANG PAGHAWAK SA MUKHA
Huwag na huwag ding hahawakan ang mukha nang maiwasan ang pagkakasakit habang nasa biyahe.
Hindi nga naman maiiwasan ang duming nagkalat sa paligid, halimbawa na lang sa eroplano. At para hindi ito mapunta sa katawan, huwag haha-wakan ang bahagi ng mukha—ilong man, bibig o mata.
UMINOM NG MARAMING TUBIG
Mahalaga ring napananatiling hydrated ang katawan habang bumibiyahe. May ilan na upang hindi na maihi habang bumibiyahe, nililimitahan ang pag-inom ng tubig. Dahil kinatatamaran ang tumayo nang tumayo, ayaw uminom ng tubig.
Dry ang hangin sa eroplano kaya’t mainam ang pag-inom ng tubig upang mapanatiling hydrated ang katawan.
Huwag alalahanin ang madalas na pagtayo para magtungong restroom dahil nakatutulong ito upang maiwasang manakit ang paa, tuhod o bewang. Mainam din ang pagtayo-tayo sa pagitan ng mahabaang biyahe nang maiwasang mag-cramps ang paa o legs.
PILIIN ANG WINDOW SEAT
Kung minsan, hindi natin gaanong pinapansin kung saan tayo uupo kapag bibiyahe. Kung saan ang available, doon tayo. Madalas pa naman, kapag promo ang ticket, hindi tayo nakapapamili ng puwesto o upuang nais natin. Puwera na lang kung magbabayad ka ng extra para makapili ka ng nais mong puwesto.
Malaki rin ang epekto ng kinauupuan o puwesto, kapag ang pinag-uusapan ay germs o dumi. Mas maraming makukuhang dumi kung nakapuwesto sa aisle seat kumpara sa window seat.
Lumabas sa ilang research na para mapanatiling healthy, piliin ang window seat.
Kung nasa aisle seat, mas maraming dumaraang tao kaya’t mas maraming germs ang maaaring makuha.
UMIDLIP SA BIYAHE
Importante ring nakapagpapahinga habang bumibiyahe.
Makabubuti ang pag-idlip nang magkaroon ng lakas o makabawi ng lakas.
Ang kakulangan din ng pahinga o tulog ay mas malaki ang tiyansang magkasakit.
Sa mga nahihirapan namang maidlip o makatulog habang nasa biyahe, siguraduhing bago ang pag-alis ay nakapagpahingang mabuti.
Kung malakas nga naman ang ating katawan at walang iniindang sakit o nararamdaman, mas makapag-e-enjoy tayo sa ating paglalakbay.
(photos mula sa skyscanner.co.nz, finavia.fi at brit.co)
Comments are closed.