ILANG araw na lang at Pasko na. Pero habang papalapit ang araw ng Pasko, marami pa rin sa atin ang nagtatrabaho. Nariyan ang mga saleslady at security guard na patuloy na nagseserbisyo sa mga kapwa Filipino. Ilan nga lang naman ang mga ito sa nagtatrabaho, nagpupuyat at nagpapakapagod sa kabila ng pagsapit ng natatanging araw, ang Pasko. Imbes nga namang kapiling nila ang kanilang mahal sa buhay, nasa trabaho sila’t ginagampanan ang kanilang tungkulin.
Kasabay rin ng mga ngiti sa labi ng kapwa natin Filipino na nagsasaya ay ang pagyakap ng katamaran sa ating kabuuan. Natatamad tayo’t kung minsan ay hindi maitago ang lungkot sa mukha at puso. Imbes nga namang nakapagsasaya tayo kasama ang ating mahal sa buhay ay nagtatrabaho tayo para mapaligaya ang ating kapwa.
Minsan man ay labag sa loob natin ang magtrabaho dahil ninanais din nating makapiling ang mahal sa buhay ngayong Pasko, pero mas pinipili nating kumayod para may pantustos sa pangangailangan ng pamilya.
Hindi lamang sakripisyo kundi may kasamang pagmamahal ang ginagagawa natin para magampanan ng maayos ang nakaatang sa ating gawain. Gayunpaman, sabihin na nating love natin ang ating trabaho, hindi pa rin maitatangging dinadalaw tayo ng katamaran lalo na kapag ganitong panahon. Kapag ganitong Pasko at karamihan ay nagsasaya kasama ang kanilang mahal sa buhay.
Kaya naman, sa mga nagtatrabaho kahit na holiday, narito ang ilang tips na kailangang subukan o isaalang-alang nang hindi tamarin at magawa nang maayos ang mga kailangang gawin:
GUMISING NG MAAGA AT MAG-EHERSISYO
Kapag holiday nga naman, maging katawan at utak natin ay nakikisama. Kumbaga, tinatamad din tayong gumalaw-galaw at ang nais natin ay magpahinga na lamang.
Napakasarap nga rin naman kasing magpahinga kapag holiday o Pasko. Iyon nga lang, kailangang magtrabaho ng karamihan sa atin. Marami sa atin na sabihin mang holiday ay kailangang pumasok at magtrabaho.
At dahil masarap ang humilata kapag holiday, isa sa kailangan nating gawin ay ang paggising ng maaga at ang mag-ehersisyo.
Kahit na gaano ka pa kapuyat, siguraduhin pa rin ang paggising ng maaga. Mag-ehersisyo rin nang magising-gising ang kalamnan.
Mas magiging maganda rin ang kalalabasan ng iyong gagawing pagtatrabaho kung gigising ng maaga at mag-eehersisyo.
PANATILIHIN ANG PAGIGING ORGANISADO
Kapag holiday rin, kung minsan ay nahihirapan tayong mag-isip. Lutang na nga naman o hati ang utak natin. Kumbaga, hindi lamang trabaho ang iniisip natin kundi ang pagsasaya. Nariyang naookupa na ang utak natin sa mga ginagawa ng ating pamilya o kaibigan habang nasa work tayo.
Sa kahit na anong panahon, lalo na ngayong holiday ay kailangang mapanatili natin ang pagiging organisado.
Kung kailangang gumawa ng listahan ng mga gagawin, gumawa nang walang makaligtaan.
Kaya kung niyayakap ka ng katamaran ngayong holiday, subukan ang paggawa ng listahan ng mga kailangang gawin nang mayroong maging gabay at walang makaligtaan.
UMINOM NG KAPE O TEA NANG MAGING ENERGETIC AT PRODUKTIBO
Makatutulong din ang kape o tea upang maging energetic at produktibo ang bawat empleyado.
Pampagising nga naman ang nasabing inumin kaya’t kung inaantok-antok ang utak mo, uminom ka ng tea o kape.
Hindi lamang pampagising o nakapagbibigay ng enerhiya ang pag-inom ng kape at tea sapagkat may mga kagandahan itong naidudulot sa mga empleyado.
Sa ilang pag-aaral, napag-alamang ang pag-inom ng kape bago magtrabaho o humarap sa computer ay nakatutulong upang maiwasan ang mga sakit dulot ng pagharap o pagtatrabaho sa computer.
IWASAN ANG DISTRACTION AT MAG-FOCUS
Nakatatamad man ang magtrabaho, importante pa ring mag-focus tayo sa ating ginagawa. Kung nagnanais nga naman tayong matapos kaagad ang mga kailangan nating tapusin, makabubuti kung paglalaanan natin ito ng oras at atensiyon.
Mas mabuti kung uunahin natin ang magtrabaho kaysa sa paggawa ng mga bagay na hindi naman makabuluhan o hindi naman work-related.
Napakaraming distraction na maaaring kaharapin ng isang empleyado. Una na nga ay ang katotohanang Pasko na o holiday at masarap ang maka-bonding ang pamilya. Puwede ring ang iba’t ibang pagtitipon kailangang daluhan. Hindi rin siyempre puwedeng mawala ang mga social networking site.
Pero kahit na sobrang daming distraction ang nasa ating paligid, subukang iwasan ang mga ito at mag-focus. Kung magpo-focus din ay matatapos mo kaagad ang iyong gawain ng maayos at mabilis.
AYUSIN ANG WORK SPACE
Para rin hindi tamarin, ayusin at linisin din ang lugar na pinagtatrabahuan. halimbawa ay nag-oopisina ka, linisin mo ang table mo. Puwede kang maglagay ng mga bagay na makatutulong upang ganahan kang magtrabaho.
Huwag din nating hayaang bumaba ang kalidad ng ating ginagawa dahil lang sa tinatamd tayo at wala sa focus.
Holiday nga naman. Pero kailangang magtrabaho ng marami sa atin. Kayunpaman, kahit na masarap magpahinga at magsaya ngayong holiday, gumawa pa rin tayo ng paraan upang maging produktibo at matapos ang ating mga gawain nang maayos.
Happy holidays! CT SARIGUMBA
Comments are closed.