KATAMARAN, iyan ang madalas na yumayakap-yakap sa atin kapag ganitong kaylamig ng paligid. Madalas ay ayaw na nating magtungo sa opisina at mas gusto na lang nating manatili sa tahanan. May ibang lumiliban pa sa trabaho lalo na kapag malakas ang ulan.
Mahirap nga namang bumiyahe kapag malakas o pabugso-bugso ang pag-ulan. Kung wala ka pang sariling sasakyan, tiyak na lalo kang mahihirapan sapagkat puwede kang mabasa. Sigurado ring mahihirapan kang sumakay.
Pero huwag itong gawing dahilan para tamaring magtrabaho. Huwag pagbigyan ang katamarang nararamdaman. Bagkus ay magpursigeng magtrabaho o kumilos-kilos. Kahit na tinatamad, pilitin ang sariling simulan ang mga kailangang gawin. Maagang simulan para maaga ring matapos.
At sa mga araw-araw na nagtatrabaho—umulan man o umaraw, holiday man o hindi— narito ang ilang tips nang maiwasan ang katamaran at maging produktibo:
GUMISING NG MAAGA
Unang-una siyempre ay ang paggising ng maaga. Sabihin mang tinatamad kang bumangon, at kaysarap pang matulog, pilitin mo ang iyong sariling tumayo at gumalaw-galaw. Kung hindi mo pipilitin ang sarili, lalo ka lang tatamarin. Lalo ka lang walang magagawa.
Kaya naman, importante ang paggising ng umaga—umulan man o umaraw. Kung gigising ka kasi ng maaga ay mas marami kang masisimulan at matatapos. Mas magiging maganda pa ang iyong trabaho dahil hindi ka naghahabol ng oras. Hindi ka rin tatamarin. Gaganahan kang magtrabaho. Kailangan ding matulog nang sapat nang hindi tamaring gumising ng maaga. iwasan ang pagpupuyat hangga’t maaari dahil may masama itong epekto sa atin.
MAG-EHERSISYO
napakaimportante rin kahit na maulan ang pag-eehersisyo nang mapanatili ang lakas sa buong araw at mabuhayan ng loob. Kailangang dumaloy ang dugo mo at ma-stretch ang kalamnan. Mainam din sa kalusugan ang pag-eehersisyo. Magiging maliksi ka rin at fit.
MAGING ORGANISADO AT GUMAWA NG LISTAHAN NG MGA GAGAWIN
Kapag maulan o tila nakasimangot ang paligid, kung minsan ay kayhirap mag-isip. Kayhirap gumalaw-galaw. Kayhirap magtrabaho. Kung minsan ay hindi rin natin mawari kung ano ang uunahing gawin.
Kapag ganitong maulan, napakahalaga ng pagiging organisado. Kailangan din ang paggawa ng listahan ng mga gagawin upang mayroong masimulan at matapos. Kung tinatamad ka nga naman at wala kang gabay sa gagawin mo, lalo ka lang tatamarin. Pero kung may sinusundan ka at tinintingnan, sisipagin kang gumawa.
Kaya naman, kung medyo niyayakap ka ng katamaran ngayong makulimlim ang paligid, gumawa ng listahan ng gagawin para may ideya ka kung ano ang kailangan mong unahin. Maganda ring malaman ang mga natapos sa buong araw para mas maengganyong magtrabaho. Siguraduhin ding matatapos ang inilistang gawain.
UMINOM NG KAPE NANG MAGING ENERGETIC AT PRODUKTIBO
Maraming tao ang nahihilig sa kape. Pampagising nga naman ang nasabing inumin. Gaganahan ka ring magtrabaho at mag-isip kapag nakaiinom ka nito. Kaya naman, sa umaga pa lang ay kinahihiligan na ito ng marami.
Ngunit hindi lamang ito swak inumin sa umaga kasama ng pandesal, mainam din ito sa meryenda o sa mga panahong tila inaantok-antok ang iyong diwa sa gitna ng pagtatrabaho.
Isa na nga ang inuming ito sa palaging kasangga ng mga empleyado lalo na kapag tumuntong ang oras na kaysarap matulog pero kailangang tapusin ang nakaatang na gawain.
Hindi lamang pampagising o nakapagbibigay ng enerhiya ang pag-inom ng kape sapagkat may mga kagandahang naidudulot ang kape lalo na sa mga empleyado. Una na nga riyan ay natutulungan ang isang empleyadong maging alerto. Natutulungan din nito ang isang tao upang maging produktibo.
Sa isa namang pag-aaral na ginawa ng National Institute for Health, napag-alamang ang pag-inom ng kape bago magtrabaho o humarap sa computer ay nakatutulong upang maiwasan ang mga sakit dulot ng pagharap o pagtatrabaho sa computer.
KUMAIN NG MASUSUSTANSIYANG PAGKAIN
Importante ring makasanayan ng marami ang pagkain ng masusustansiyang pagkain. Habang healthy ang isang empleyado, nangangahulugan lamang ito na malaki ang maiaambag niya sa kompanyang pinagtatrabahuan.
Malaki ang benepisyo ng isang kompanya sa empleyadong malusog ang pangangatawan. Una, mas makapagtatrabaho ng mabuti at maiiwasan ang pagliban. Ikalawa, magiging produktibo rin ito at hindi tatamad-tamad sa opisina. Ikatlo, madali rin itong makaintindi sa intstruction at higit sa lahat, magiging mabilis ang pagkilos at pag-iiisp.
MAG-FOCUS SA BAWAT GAWAIN
Malamig at nakatatamad mang magtrabaho, importante pa ring mag-focus tayo sa ating ginagawa. Kung nagnanais nga naman tayong matapos kaagad ang mga kailangan nating tapusin, makabubuti kung paglalaanan natin ito ng oras at atensiyon. Mas mabuti kung uunahin natin ang magtrabaho kaysa sa paggawa ng mga bagay na hindi naman makabuluhan o hindi naman work-related.
Napakaraming distraction na maaaring kaharapin ng isang empleyado. Nariyan ang gadgets, ang social networking sites, ang online games at maging ang pakikipagkuwentuhan sa mga katrabaho. Kung lahat ng ito ay uunahain, talagang walang matatapos na gawain. Kaya naman, kung nasa trabaho, unahin muna ang kailangang unahin at saka na atupagin ang mga bagay na hindi naman mahalaga o kailangan.
LINISIN AT AYUSIN ANG ESPASYONG PINAGTATRABAHUAN
Sa rami ng gawaing nakaatang sa isang empleyado, kadalasan ay nakaliligtaan nang ayusin at linisin ang workspace. Lalong tatamarin ang isang empleyado kung hindi maayos ang lugar o espasyong kanyang pinagtatrabahuan. Kaya naman, para madagdagan ang pagiging produktibo, ayusin ang lamesa. Maglagay ng mga bagay na makapagbibigay ng inspirasyong magtrabaho.
Nakapapagod at nakatatamad din ang magtrabaho lalo na kung araw-araw mo itong ginagawa. Kung minsan, hahanapin o aasamin mong makapagpahinga. Pero kailangan nating paganahin ang isip natin at hindi ang ating nararamdamang katamaran o ang mga naiisip nating pagdadahilan. Dahil kung hindi tayo magtatrabaho, sarili at pamilya ang mamemeligro.
Kaya naman, sa gitna ng nakatatamad at malamig na paligid, iwasan ang katamaran. Gumawa ng paraan upang maging produktibo. (photos mula sa google) CT SARIGUMBA
Comments are closed.