GOOD day mga kapasada!
Sa makabagong panahon ng kasaysayan ng transportasyon, umani ng puna at puri ang motorcycle (MC) na ngayon ay isa sa itinuturing na pinakamurang means of transportation.
Sa maraming motorcycle riders na nakapanayam ng Patnubay ng Drayber, sa totoo lang, masarap ang magmaneho ng MC, pero kung hindi ka naman susunod sa batas ng ahensiyang may pananagutan sa transportation hinggil sa ligtas na pagmamaneho (safe driving), ang kahahantungan ay ang malagay tayo sa peligro.
Kung bibigyan natin ng pansin ang ulat ng Metro Manila Development Authority (MMDA), nakapanghihilakbot ang kanilang ulat na daan-daang MC Rider ang karaniwang biktima ng mga aksidente sa mga lansangan sa Metro Manila, gabi at araw.
Ang pahayag na ito ng MMDA ay hindi maikakaila sa mga lumilitaw na balita sa media tulad ng broadcast sa radio, sa TV, at maging sa mga pahayagan.
Sa ulat noon ng MMDA, daan-daang MC rider ang karaniwang biktima ng mga aksidente sa mga lansangan sa Metro Manila na siyam sa 10 ang namamatay na mga rider at back rider na ang dahilan ay ang hindi pagsunod sa mandatory use of helmet.
Bukod sa ‘di pagsusuot ng helmet, nabatid pa rin sa ulat noon ng MMDA traffic enforcer na ang pangunahing dahilan ng motorcycle accident ay ang pagmamaneho ng lasing (drunk) o nakainom ng intoxicating liquor sa kabila ng mahigpit na pagpapatupad ng batas ukol dito.
ANTI-DRUNK AT ANG DRUGGED DRIVING ACT
Karamihan sa ating mga MC rider ang hindi sinusunod ang “proverbial phrase” (Kasabihan) na “don’t drink and drive”.
Ang Republic Act No. 10586 na formally known as the Anti-Drunk and Drugged Driving Act of 2013 ay nagtatadhana na – “penalize people driving under the influence of alcohol,dangerous drugs at mga kauring bagay.”
Bagamat ang naturang batas na inakda noong 2013, hindi naman kaagad ito naipatupad hanggang Marso 12, 2015 na kung kailan naging puspusan ang pagiging epektibo nito.
Kaugnay nito, mariing ipinayo ng Metro Manila Development Authority (MMDA) sa mga MC rider na sa tuwing sasakay at magmamaneho ng MC, laging gugunitain na – “HUWAG KAYONG KASKASERO” baka kayo ay pulutin sa sementeryo.
Hinaing ng mga traffic enforcer na sa totoo lang, isinusuot lamang ng mga MC rider ang kanilang protective gear tulad ng helmet kapag sila ay dumaraan sa mga checkpoint o nakikita sila ng mga traffic enforcer at pagkalampas na sila ay kaagad huhubarin ang kanilang protective gear at isasabit na lang sa manibela ng MC.
PAGKONDISYON SA SARILI BAGO MAGMANEHO
Isa sa pangunahing patakaran ng Land Transportation Office (LTO) na ang isang drayber ay ikondisyon muna ang sarili bago magmaneho.
Binigyang diin ng LTO na hindi sapat na ang sasakyan ay nasa kondisyon sa pagtakbo.
Kailangan din ang drayber ay nasa kondisyon. Sa madaling sabi, kailangan nating panatilihing malusog ang pangangatawan upang maiwasan ang ‘di inaasahang pangyayari. Iwasan din ang pagpupuyat lalo na kung magmamaneho dahil nakababawas ito ng konsentrasyon.
SURIIN ANG SARILI SA SUMUSUNOD NA KATANUNGAN
Upang makatiyak na handa tayong magpatakbo ng sasakyan, narito ang ilan sa katanungang kailangan nating sagutin:
- Malinaw pa ba at mabilis ang mga mata o kailangan nang magsalamin?
- Normal ba ang ating pang-amoy? Makatutulong ito sa paglanghap ng kakaibang amoy na nanggagaling sa sasakyan kung nasisiraan.
- Malakas pa ba ang pandinig? Kailangan nating marinig ang silbato ng pulis upang makasunod sa mga ipinatutupad na batas trapiko.
- Magaan ba o mabigat ang mga kamay at paa sa paghipo ng manibela at kambyo, at pag-apak sa pedal o clutch?
Ang pagiging sensitibo sa mga nabanggit ay warning kung ang sasakyan ay nagkakadeperensiya.
- Ang kasuotan ba ay naaayon sa klima ng panahon?
Makabubuti rin na bigyan ng sapat na pahinga ang katawan kapag lumampas sa regular na bilang ng oras ng pagmamaneho.
Ang pagod ay mahigpit na kaaway ng drayber. Ito ay nakapagpapahina ng pagiging sensitibo na nagbubunga sa malimit na dahilan ng disgrasya sa daan.
DAPAT TANDAAN SA PAGMAMANEHO
Ang mahabang oras ng pagmamaneho ay maaaring makapagdulot ng emotional stress sa parte ng driver upang siya ay mawalan ng konsentrasyon sa pagmamaneho lalo na sa panahong nagmamaneho ang mga ito sa gabi.
Ayon sa Land Transportation Office (LTO), maraming aksidente ang nagaganap araw-araw sa lansangan bunga ng mga pagmamalabis ng mga abusado at pasaway na mga drayber.
Karaniwan umano sa mga drayber ang sobrang tulin kung magpatakbo. Wari bagang kanila ang lansangan.
Ipinaliwanag ng LTO na ang isang drayber ay dapat nagtataglay ng maraming kabahalaan tungkol sa kung gaano katulin ang minamanehong sasakyan upang makaiwas sa maraming implikasyong maidudulot nito.
Ipinapayo ng LTO na i-check ang speedometer ng sasakyan. Dito malalaman kung tama ang takbo (speed limit) ng sasakyan o kung tayo ay lumalabag sa regulasyong ipinatutupad ng batas trapiko.
Ang bilis (speed) ng sasakyan ay dapat na laging ayon sa tulin ng iba pang mga sasakyan sa daan. Huwag sosobra o magkukulang sa karaniwang speed limit na itinakda ng batas trapiko.
Sa highway ng probinsiya na wala namang mga kanto-kanto at wala namang mga bahay sa tabi-tabi, puwedeng patakbuhin ang pampasaherong sasakyan o motorsiklo ng 80 kilometro bawat oras.
Sa mga thru stop streets, boulevards, highways at intersections, bagalan nang kaunti ang takbo ng sasakyan, (pampasahero o motorsiklo) sa 40 kilometro bawat oras o 30 kilometro bawat oras kung nagmamaneho ng trak o pampasaherong bus.
Samantala, Ayon sa LTO, sa mga lungsod o bayan na madalang ang sasakyan, 30 kilometro bawat oras ang pinahihintulutang tulin ng lahat ng mga sasakyan, kasama na ang bus, trak at motorsiklo.
Sa mga masisikip na daan, sangandaan, blind corners, school zones o kung may dadaanang nakahintong sasakyan o kung may iba pang delikadong sitwasyon, magmenor muna sa 20 kilometro bawat oras.
Binigyang diin ng LTO na kung may hilang trailer, kailangang mas mabagal pa ang takbo.
Ang trailer ay madaling tangayin ng hangin kung masyadong mabilis ang sasakyan.
LAGING TATANDAAN: Umiwas sa aksidente upang buhay ay bumuti.
HAPPY MOTORING!
Comments are closed.