IWASAN ANG UTANG

rene resurrection

“ANG MAYAMAN ay mamumuno sa dukha, at ang ­manghihiram ay alipin ng nagpapahiram.” (Kawikaan 22:7) Kung gusto mong yumaman, iwasan ang utang.  Kung uutang ka, dapat mong pagbayaran ito nang may patong na interes. Magiging paurong ang pamumuhay mo at hindi pasulong.  Akala ng maraming tao na ang pag-utang ay solusyon sa kanilang mga pinansiyal na problema.  Subalit ang totoo, hindi ito talagang solusyon.  Pinagpapabukas lang nila ang problema nila.  At kung haharapin na nila, mas malaki ang kanilang dapat bayaran kaysa sa unang halagang kanilang hiniram.

Sa buhay kong ito, napakarami nang kaso ng mga taong umutang ang nahulog sa matinding sakuna at pariwara ng buhay.  May mga umutang na nawalan ng bahay at lupa bilang pambayad sa utang.  May mga umutang at nang hindi na makabayad, nasira ang relasyon ng mag-asawa at naghiwalay sila.  May mga umutang na nang hindi na makabayad, tumakas mula sa kanilang bayan para magtago dahil sa malaking kahihiyan.  Nahulog sila sa maraming balisa; at mayroon pang ibang nagpatiwakal.

Sa panahon ngayon, usong-uso ang pag-utang.  Ang utang ay parang droga sa mga taong adik.  Ang mga adik ay hindi makapamuhay nang normal kung hindi magtuturok na naman ng droga.  Ganoon din ang mga taong pala­utang.  Hindi na tatakbo ang buhay o negosyo nila kung hindi uutang.  Ang ekonomiya ng maraming bansa sa mundo ay addicted na sa utang.  Hindi na tatakbo ang ekonomiya nila kung hindi uutang na naman.  Hindi nila makita na ang tunay nilang problema ay wala silang disiplina sa pamumuhay nila.  Mas malaki ang gastos nila kaysa sa kita.  May deficit (kulang) sila sa kanilang budget.  Sobra ang laki ng byurokrasya ng mga gobyerno.  Arkila sila nang arkila ng mas maraming empleyado na dapat suwelduhan kahit kulang naman ang kita ng gobyernong nalilikom mula sa mga buwis.  Kaya para mapunuan ang deficit, uutang na naman sila.  Ganito ang nangyari sa Estados Unidos.  Dati silang pinakamakapangyarihan at pinakama­yamang bansa sa mundo.  Subalit dahil sa utang nang utang, ngayon ang kabuuang utang nila ay mahigit 20 trillion na dolyares.  Ang kinikita ng bansa nila kada taon ay 5 trillion na dolyares, subalit ang interes sa utang na dapat bayaran ay mas mataas pa rito.  Wala nang pa­raan para mabayaran nila ang utang nila.  ‘Pag bu­magsak ang ekonomiya ng Estados Unidos, hihilahin nila sa pagbagsak ang napakaraming bansa sa mundo.  Magkakaroon ng kaguluhan at panic sa buong mundo.

Matagal nang iti­nuro ng Bibliya na “ang umuutang ay ­alipin ng nagpapautang” at “Huwag mangu­ngutang ng anuman sa kaninuman.” (Roma 13:8).  Hindi nakikinig sa katuruan ng Bibliya ang maraming bansa at maraming tao; kaya nagkakaloko-loko ang buhay nila. Huwag tayong maging hangal!  Maging matalino at marunong tayo.  Sumunod tayo sa turo ng Bibliya sa kaperahan.  Huwag mangungutang ng anuman sa kaninuman!

Paano kung baon na nga sa utang?  Paano makaaalpas mula rito?  Unang-una sa lahat, dapat ay buong pagpapakumbabang manalangin at magmakaawa sa Diyos.  Mahabagin ang Diyos.  Ka­looban Niya na maging malaya sa utang ang sangkatauhan.  Ito ang turo Niya.  Sinabi ng Bibliya, “Kung hi­hingi tayo ng anuman mula sa Diyos nang ayon sa Kanyang kalooban, ibibigay Niya sa atin ang kasagutan.” (Tingnan ang 1 Juan 5:14).

Pangalawa, mag-badyet tayo ng kaperahan natin.  Ilista natin ang lahat ng ating kita kada buwan – suweldo sa trabaho, kita sa negosyo, mga regalong pera, mga bayad sa ating mga paupa at pinagbibiling produkto, mga kita mula sa ipon, atbp.  Pagkatapos, ilista rin ang lahat ng ating mga bayarin – bayad sa bahay, buwis, pagkain, pananamit, edukasyon, koryente, tubig, pagpapagamot, libangan, atbp.  Kunin ang total ng dalawang listahan.  Tiyakin na­ting ang total na kita ay katumbas o mas malaki kaysa total na gastos.  Kung mas mataas ang gastos, humanap ng paraan kung paano mababalanse ito.  Kumita nang mas malaki o gumastos nang mas maliit.

Ilista ang lahat ng mga ari-arian at ilista rin ang lahat ng mga utang.  Gumawa ng plano ng pagbabayad ng utang.  Kausapin ang pinagkakauta­ngan kung ano ang iskedyul ng pagbabayd na magaan sa iyong may utang at katanggap-tanggap sa kanyang nagpautang.  May dalawang bahagi ang pagbabayad ng utang – bayad sa principal at bayad sa interes.  Principal ang tawag sa ha­lagang inutang.  Interes ang tawag sa tinubo o anak ng utang.  Dapat bayaran ang dalawang ito, dahil kung hindi, ­manganganak na naman nang mas malaki pang utang.

Humanap ng dagdag kita para mada­ling mabayaran ang utang.  Humanap ng pangalawang trabaho.  Magturo sa gabi.  Magbenta ng mga ‘di kailangang kagamitan.  Humingi ng mga donasyon mula sa mga taong may mahaba­ging puso.

Iwasan ang credit card.  Makontento sa mayroon ka.  Baguhin mo ang estilo ng pamumuhay mo o ga­wing mas simple at ma­tipid.  Huwag susuko sa digmaan mo laban sa utang.  Bawat extra kita mo, idagdag sa bayad sa utang para mapaaga ang paglaya mo sa utang.  Huwag kang magga-guarantor sa utang ng iba.

Tandaan: Sa kakasingko, nakaka­piso; sa kakapiso-piso, nakaka-isang libo.