MISMONG ang aktres na si Iza Calzado ang nagbunyag na kabilang sa mga principal sponsor sa nalalapit na kasal niya ang mag-asawang Judy Ann Santos at Ryan Agoncillo. Nakatakdang ikasal si Iza kay Ben Wintle na isang British entrepreneur.
Ni-reveal ito ni Iza sa amin sa media launch ng 2018 Cinemalaya Philippine Independent Film Festival.
Ayon kay Iza, tatlong pares lang ng ninong at ninang ang kukunin nila ni Ben. Sa totoo lang, ayaw raw talaga sana nilang kumuha ng mga ninong at ninang. Kaya okey na raw sa kanila ang tatlong pairs lang ng principal sponsors.
Nu’ng umpisa ay ayaw pa’ng pangalanan ni Iza kung sino-sino ang tatlong pairs ng principal sponsors for her wedding. But eventually, binanggit din niya ang pangalan ni Judy Ann Santos.
“Si Juday pa lang ang ano,” bungad ni Iza. “Oo, pumayag siya.”
Ninong din daw ang mister ni Juday na si Ryan Agoncillo. Habang ‘yung iba na kino-consider nila as principal sponsors ay hindi naman taga-showbiz.
“Yes,” pagkumpirma ni Iza. “Ah, because she’s somebody that I really looked-up to and we’ve been friends naman since 2004. So, ang kailangan sa akin may matagal na relationship. Ah, I also looked-up to her as a family woman. Ah, alam mo ‘yun? I’ve always felt her look-out for me in this business. Parang dati meron siyang project, ipapasa niya sa akin So, parang grateful ako doon.”
Hindi raw nagulat si Juday nu’ng sinabi niya na kukunin siya bilang ninang sa kasal ni Iza. Nag-ninang na rin daw kasi si Juday sa kasal nina Suzi Entrata at Paolo Abrera.
Regarding her wedding gown, local designer daw ang gagawa ng kanyang damit na any moment ay uumpisahan na ang pagtahi.
Meron na rin daw kinuhang wedding coordinator si Iza para hindi siya mabaliw lalo pa’t may natanguan pa siyang proyekto. Tulad na lang ng Cinemalaya movie niya titled “Distance” sa direksiyon ni Perci Intalan.
Ang “Distance” ang ikalawang pelikula pa lang ni Iza sa Cinemalaya filmfest. Ang una’ng Cinemalaya entry niya ay “Mga Mumunting Lihim” kung saan nakasama niya ang magiging ninang niya na si Juday, Agot Isidro at Janice de Belen.
Nanalo rin si Iza as Best Actress together with her co-stars sa “Mga Mumunting Lihim.” Kaya tinanong namin si Iza kung sa tingin niya madu-duplicate niya ang kanyang Best Actress trophy sa Cinemalaya via her new movie.
“Hindi naman tayo sumali dito para mag-Best Actress. Actually, this year, it was also a big thing na parang lahat projects with ABS was a little bit delayed, so I said, ‘You know what? We have to be productive.’ And then, this script came along and I said, ‘You know, let’s do this. It will only take eight days to do it, let’s do it.’ I mean, you have to be productive of your life,” esplika niya.
Sa pakiramdam ni Iza hindi ang ‘Distance’ ang huling project niya bago siya ikasal kay Ben. Meron pa raw siyang gagawin under ABS-CBN. May unawaan na rin daw sila ng ABS-CBN tungkol sa nalalapit niyang kasal.
Comments are closed.