DAHIL sa nakakaengganyong resulta at dami ng bilang ng mga edad 12-17 na nagpabakuna kahapon, agad na nagpulong ang pamahalaang lokal ng Maynila upang ilatag ang plano ng mass vaccination at gawin na ito sa shopping malls upang mas marami ang mabakunahan.
Nag-ikot ang mga opisyal ng pamahalaang lungsod upang pasalamatan ang mga magulang na sinamahan ang kanilang anak sa pagpapabukana ng libre na hindi lamang para sa proteksiyon ng mga kabataan kundi bilang paghahanda rin sa posibilidad na muling pagbubukas ng limited face-to-face classes.
Nabatid na mula kahapon hanggang ngayon araw ang mass inoculation ay gagawin sa anim na city-owned hospitals at sa weekend ay ililipat na sa apat na shopping malls na dati rin ginamit sa pagbabakuna ng mga matatanda.
Mahigit na 51,000 minors mula sa general population ng 12 hanggang 17 anyos ang nagrehistro para sa vaccination at ang lungsod ay may 120,000 doses ng Pfizer para sa kanila.
At tulad din sa kaso ng adult population, ang bedridden minors ay pupuntahan ng personal sa kanilang bahay upang doon turukan ng bakuna. VERLIN RUIZ