JACKPOT PRIZE SA GRAND LOTTO 6/55, AABOT NG P100M

Inianunsiyo ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) na posibleng umabot ng hanggang P100 milyon ang jackpot prize ng Grand Lotto 6/55 na isasagawa  Lunes ng gabi.

Ayon kay PCSO General Manager Royina Garma, walang nakakuha ng jackpot prize sa huling bola nito na ginanap noong Sabado ng gabi at may winning combination na 41-16-36-43-19-34 at may jackpot prize na P97,600,636.20, kaya’t inaasahang tataas pa ang kanilang papremyo ngayong araw.

Gayunman, may isang lucky bettor na nagwagi ng second prize na P100,000 matapos na mahulaan ng tama ang limang numero ng winning combination.

Kaugnay nito, hinikayat ng PCSO ang publiko na tumaya sa lotto dahil baka sila na ang susunod na maging milyonaryo.

Ang Grand Lotto ay binobola ng PCSO tuwing Lunes, Miyerkoles at Sabado.

Nauna rito, noong Huwebes ng gabi, nasolo ng isang taga-San Fernando, La Union ang P49.7 milyong jackpot prize ng Regular Lotto 6/42, na may winning six-digit combination na 03-11-06-19-33-10.

Mayroon ding 32 second prize winners na nagwagi ng tig- P24,000 bawat isa.

Ang 6/42 Regular Lotto ay binoobola tuwing Martes, Huwebes at Sabado. ANA ROSARIO HERNANDEZ

 

Comments are closed.