HINDI ikinaila ng Cannes award-winning actress na si Jaclyn Jose na may kinausap siyang ilang executives ng isang network para mabigyan ng proyekto ang anak na si Andi Eigenmann.
Napapansin kasi niya na parang tinatamad nang magtrabaho ang kanyang unica hija.
“Hindi naman sa ini-encourage ko si Andi to work not necessarily sa kung anong production o network. I’m encouraging her to work because she’s much into taking care of the environment. Masyado siyang into taking care of the environment,” aniya.
Wala raw naman siyang masamang nakikita kung maging involved si Andi sa kanyang bagong adbokasiya.
“Actually, nangyari na rin naman sa akin iyan noong araw, noong kadalagahan ko. Alam mo, meron din si Andi kung anong meron ako, to save the earth. I was in Boracay in 1984, 1985, 1986. Naranasan ko rin iyon,” hirit niya.
Gayunpaman, naniniwala raw siya na ang calling ni Andi ay ang pag-aartista.
“Sabi ko nga sa kanila, available si Andi at kailangan niya ng trabaho. Kung kunin nila, maraming salamat. Kung kunin ng ABS, maraming salamat din. Pero na kay Andi naman iyon,” say niya.
Nilinaw din niya na wala siyang sama ng loob sa ABS o sa Viva Talent Management Agency (na nagma-manage ng career ni Andi) kaugnay ng kawalan ng proyekto ng anak.
“Hindi siya ni-renew ng ABS. Karapatan nila iyon. Si Andi wants to be a freelancer for the moment para matutukan din niya ang anak niya at mapili niya kung ano ang gusto niyang gawin,” bida niya. “Pero, wala tayong tampo kahit kaninuman. Mahal natin ang mga tao riyan. Iyan ang nagbibigay sa atin ng pagkain sa ating hapag kainan, pambayad sa ating mga bayarin. Mahal natin ang lahat ng producers, basta trabaho, ganoon ako. Sila ang nagbibigay sa atin ng pagkakataon para buhayin ang ating pamilya at tumulong,” dugtong niya.
Si Jaclyn ay nasa cast ng Kapuso teleseryeng “The Cure”, kung saan ginagampanan niya ang role ni Evangeline Lazaro, ang doktorang nakaimbento ng isang experimental drug na posibleng lunas sa kanser subalit magiging ugat ng epidemya na magsasabog ng lagim sa lungsod.
Supportive rin si Jaclyn sa Pista ng Pelikulang Pilipino dahil dito ipinalabas ang kanyang pelikulang “Patay na si Jesus” na isang festival hit last year.
Malaki rin ang pasasalamat niya sa FDCP chair na si Liza Dino-Seguerra sa suporta nito sa indie film makers at artists na tulad niya na may naiambag din para mai-promote ang kanyang pelikulang “Ma Rosa” sa iba’t ibang prestihiyosong international filmfests kung saan niya nakamit ang kanyang Cannes best actress trophy.
For your comments/reactions write to [email protected].
Comments are closed.