NAKAGANTI ang top favorite Jaguar sa first leg tormentor La Trouppei nang pagharian ang 2nd Leg ng 2023 Philracom Triple Crown Series sa Metro Manila Turf Club noong Linggo.
Sinakyan ni Jeffril T. Zarate, ang Jaguar ay nakapuwesto sa third at hindi nalalayo sa nagbabakbakan sa unahan na Easy Way at Going East sa unang tatlong quarters.
Sa huling 600 metro ng 1800 metrong takbuhan ay kinuha ng Jaguar ang unahan at hindi na lumingon pa upang manalo ng four lengths laban sa pinakamalapit na kalaban.
Tinawid ng Dante Salazar-trained galloper ang meta sa 1:51.8 na may clips na 13’-23-23’-24’-27, at binigyan ang kanyang connections ng P2.1-million top prize.
Napunta ang ikalawang puwesto sa first leg winner La Trouppei na may premyong P700,000 habang nagkasya ang Secretary sa ikatlo para sa P350,000 at kinuha ng Early Boating ang ika-4 na puwesto na nagkakahalaga ng P175,000.
Sa P1.5-million 2023 Hopeful Stakes noong Sabado ay nangibabaw ang Easy Does It (Eagle Scout-Gabba Girl) sa oras na 1:54 (13’-22’-24-26-28) sa 1800 metrong takbuhan.
Pumangalawa ang Glamour Girle, kasunod ang Winner Parade at Badboy MJ sa ikatlo at ika-apat na puwesto, ayon sa pagkakasunod.
“First of all, congratulations to the winners and their connections in our three exciting events lined up this weekend.
And secondly, thank you to the bayang karerista who braved the rains, some of which came here to Malvar, Batangas to witness the events firsthand,” pahayag ni Philracom Chairman Reli de Leon.