JAIL CONGESTION RATE BUMAGSAK NA SA 300%

INIULAT ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benjamin Abalos Jr. na bumagsak na sa mahigit 300% ang congestion rate sa mga jail facilities ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP).

Sa pressconference nitong Huwebes, sinabi ni Abalos na mula sa dating 612% noong 2017, umaabot na lamang ang jail congestion rate ng BJMP sa 387%, hanggang noong Hunyo 2022.

Sa kabila nito, plano ni Abalos na ikutin ang bansa at alamin ang lagay ng mga bilanggo upang matiyak na mayroon silang ‘humane environment.’

“Sa totoo lang, iikutin po namin ang bansa tungkol dito sa jail congestion. We want to make sure that they got very humane environment, hindi siksikan,” ayon kay Abalos.

Ipinanukala rin naman ni Abalos ang paglalagay ng mga CCTV cameras sa mga hallways ng mga jail facilities para sa proteksiyon ng mga persons deprived of liberty (PDLs) at ng mga police officers.

“Mahirap, eh, para makita. Baka mamaya, alam mo sabi ko nga, it must be a humane environment.

Dapat walang nilalabas. Baka mamaya nilalabas sa kulungan… o may mga abuses, so para klaro ito, I would strongly suggest… na magkaroon ng mga CCTVs,” aniya pa.

Naglaan na rin naman aniya ang BJMP ng P6.7 bilyong pondo para sa konstruksiyon, pagpapahusay at pagkukumpuni ng mga jail facilities.

Pinag-aaralan na rin aniya nila ang posibilidad na mag-donate o pahiramin ng mga LGUs ang BJMP ng mga lote, sa long-term basis para mapatayuan ng mga pasilidad.

Samantala, sa panig naman ni BJMP chief Allan Iral, sinabi nito na kailangan ng ahensiya ng mga donasyon mula sa LGUs.

Dapat rin anilang i-monitor ang plea bargaining system at ipagpatuloy ang pakikipag-ugnayan sa mga hukuman para mapabilis pa ang mga pagdinig sa mga kaso ng mga bilanggo.

“In that way, we can reduce the congestion rate of the BJMP jails,” dagdag pa ng opisyal.
EVELYN GARCIA