JAIL GUARD TIKLO SA P1.3-M SHABU

shabu

LANAO DEL SUR – REHAS na bakal ang binagsakan ng 32-anyos na jail guard matapos itong makumpiskahan ng P1.3 milyong halaga na shabu sa itinayong police checkpoint sa Barangay Tampilong, Marawi City, kamakalawa ng hapon.

Nahaharap sa kasong paglabag sa RA 9165 ang suspek na si Walid Nasser Usman, jail guard ng Lanao del Sur Provincial Jail na nakabase sa Marawi City.

Sa ulat na nakarating kay P/Col. Madzgani Mukaram, hepe ng Lanao del Sur Provincial Police Office, naharang ang suspek na nagmomotorsiklo (1017-8076340) sa checkpoint.

Base sa ulat, nadakip ang suspek sa tulong ng pinagsanib na puwersa ng Regional Drugs Enforcement Unit (RDEU) 10 matapos ang masusing surveillance mula sa Iligan City na may dala itong malaking halaga ng shabu.

Nasamsam sa suspek ang 200 gramo na shabu na may street value na P1.3 milyon.

Nabatid naman kay P/Lt. Col. Mardy Hortillosa, tagapagsalita ng PRO-10 na ang suspek ay matagal na umanong isinailalim sa surveillance sa loob ng isang buwan kung saan tinagurian itong high-value target ng Police Regional Office-10. MHAR BASCO

Comments are closed.