JAIL GUARD TODAS SA INMATE

LAGUNA- DEAD on arrival sa pagamutan ang isang jail guard matapos barilin ng isang inmate na umagaw ng kanyang service firearm habang naka-duty sa loob ng compound ng Laguna provincial jail sa Barangay Poblacion 1, Santa Cruz sa lalawigang ito.

Napatay din ng mga rumespondeng pulis ang suspek na nanlaban habang papatakas sa nasabing bilangguan.

Sa report ng tanggapan ni Laguna provincial director Col. Harold Depositar, kinilala ang biktima na si Prison Guard 1 Jonathan Sombilla Buenviaje, 50-anyos at residente ng Barangay Maulawin, Pagsanjan, Laguna.

Namatay naman habang ginagamot sa ospital ang suspek na nakilalang si Romnick Balbaran Estadilla, 32-anyos at residente ng Barangay Ibabang San Roque, Liliw, Laguna.

Sa imbestigasyon ng pulisya, dakong alas-9.30 ng umaga nang lapitan umano ni Estadilla si Buenviaje habang nakatalikod sa Dorm 1 ng bilangguan. Mabilis umano nitong inagaw ang baril ng biktima at agad itong pinagbabaril.

Nang marinig at makita ng iba pang jail guard ang ginawa ng suspek mabilis nila itong hinabol habang patungo sa likuran bahagi ng provincial jail.

Nagawa pa umanong mamaril ni Estadilla sa mga rumespondeng dahilan para gumanti ng putok ang mga awtoridad na ikinasawi ng suspek. ARMAN CAMBE