JAMES 2 TAON PA SA LAKERS

LeBron James

LOS ANGELES – Tinanggap ni LeBron James ang two-year NBA contract extension sa Los Angeles Lakers na nagkakahalaga ng $97.1 million, ayon sa mga report noong Miyerkoles.

Ang deal, ayon sa ESPN at The Athletic, ay kinabibilangan ng player option para sa 2024-25 season, kung saan maaaring makita ni James ang kanyang 17-year-old son na si Bronny na maging isang NBA rookie.

Ang kontrata ay maaaring magkahalaga ng $111 million sa superstar forward kung tataasan ang NBA salary cap para sa 2023-24 campaign.

Sa napagkasunduan, si James ay tatanggap ng career guaranteed total earnings na $532 million, kung saan naungusan ng four-time NBA champion at four-time NBA Most Valuable Player si Kevin Durant para sa record guaranteed career earnings total.

Sinabi ni James, 37, na nais niyang maglaro hanggang 2024-25 season para sa pagkakataong makalaro ang kanyang panganay na anak na lalaki, isang top high school prospect sa Los Angeles.

Si James, na papasok ang final season ng kanyang kontrata sa Lakers sa October, ay makakapag-negotiate ng bagong deal o magiging free agent sa dalawang seasons, ang parehong opsiyon na available kay star teammate Anthony Davis.

Ang Lakers ay nagwagi ng NBA title noong i2020 subalit nawala sa playoffs noong nakaraang season, at nalimitahan si James sa 56 games dahil sa injuries bagama’t may average siya na 30.3 points, 8.2 rebounds at 6.2 assists kada laro.