Kahit 10 years nang hindi nagkikita sina San Juan City councilor and basketball player James Yap at anak na si Bimby Aquino Yap, maayos daw maman ngayon ang kanilang samahan.
Si Bimby ay anak ni James sa dating asawang si Kris Aquino.
Ani James, wala namang problema kay Kris dahil ang dating TV host mismo ang nagsabing ayaw niyang matulad sa kanyang childhood ang anak na si Bimby, na lumaking hindi kapiling ang ama.
Payag daw itong i-rebuild ng anak ang relationship nila ng amang si James, kahit “maraming pinagdaanan at maraming hindi pagkakaunawaan.” Silang dalawa ni James ang pinatutungkulan ni Kris.
Ani Kris, “Ayokong masabi na pinipigilan ko si Bimb… my own childhood was fatherless because of Martial Law so why’d i subject my bunso to the same fate?”
Sabi pa ni Kris, walong taong gulang pa lamang si Bimby noon ay alam na niyang maaaari na itong magdesisyon para sa sariling buhay.
Noong 16 na si Bimby, sinabihan niya raw ang anak na kung merong taong nais makipag-ayos ay pagbigyan niya ito.
Si Bimby umano ang gumawa ng unang hakbang kaya proud si Kris sa kanyang bunso.
Huling nagkasama sina Bimby at James sa libing ni dating Pangulong Noynoy Aquino sa Manila Memorial Park noong June 26, 2021, pero hindi raw nakalapit si James sa anak.
Ikinasal sina Kris at James taong 2005 at naghiwalay noong 2012.
Nagkasakit si Kris kaya ilang taon silang nanatili sa Amerika. Ngunit ngayong nasa Pilipinas na uli sila, umaasa si James na mas magkakalapit na silang mag-ama.
RLVN