NAGBUHOS si LeBron James ng season-high 39 points upang pangunahan ang anim na Los Angeles players sa double figures nang pataubin ng Lakers ang San Antonio Spurs sa ikalawang pagkakataon sa loob ng dalawang araw, 143-138, nitong Sabado.
Si James, umiskor ng 21 points ngunit nakitaan ng pangangalawang sa kanyang pagbabalik mula sa groin injury sa panalo noong Biyernes sa San Antonio, ay walang hirap na pinunan ang butas na iniwan ni star teammate Anthony Davis na na-sideline dahil sa calf injury sa ikalawang gabi ng NBA back-to-back.
Kumalawit ng 11 rebounds, si James ay perfect 10-for-10 mula sa free-throw line at nagsalpak ng pito sa 17 three-pointers ng Lakers.
Sinabi ni James, nagkukumahog sa three-point range bago na-sideline ng limang laro dahil sa injuries, na hindi siya nagduda na papasok ang kanyang mga tira.
“I feel like we’re getting better and better,” pahayag ni James patungkol sa kanyang koponan na nahirapan sa kaagahan ng season.
“Early in the season we’d have lost a game like this,” aniya.
“I feel like we’re definitely buying in to the extra pass. Guys are trusting their shots and not thinking about it — (we’re) shooting from the perimeter with confidence and we’re also still attacking the rim.”
Nagdagdag si Dennis Schroder ng 21 points at kumubra si Lonnie Walker ng 19. Nag-ambag si Russel Westbrook ng 11 points, 7 rebounds at 6 assists para sa Lakers.