JAMES BINITBIT ANG LAKERS VS MAVS

Lebron James

NAGBUHOS si LeBron James ng 39 points, 16 assists at 12 rebounds upang pangunahan ang Los Angeles Lakers sa 119-110 overtime win laban sa host Dallas Mavericks noong Biyernes ng gabi.

Kumonekta si James, na gumawa rin ng apat na steals, ng 13 of 23 shots mula sa floor, kabilang ang 4 of 9 mula sa 3-point range. Kumana si Anthony Davis ng 31 points at kumalawit ng walong rebounds para sa Lakers, na binura ang 15-point deficit at nakopo ang ika-4 na sunod na panalo. Tumiap si Danny Green ng 14 points, kabilang ang isang 3-pointer sa buzzer upang maipuwersa ang overtime.

Nagtala rin si Luka Doncic ng triple-double, sa pagposte ng 31 points, 15 assists at 13 rebounds. Nag-ambag si Kristaps Porzingis ng 16 points at 9 rebounds, habang gumawa si Dwight Powell ng 14 points para sa Mavericks.

Sa kanyang season debut ay tumipa si Lakers forward Kyle Kuzma ng 9 points sa loob ng 19 minuto. Nawala siya dahil sa left ankle injury.

Naiposte ng Lakers ang unang 7 points sa extra session at hindi kailanman nalamangan sa OT. Tinapyas ng Mavericks ang deficit sa 110-108 matapos ang 3-pointer ni Doncic, may 2:59 ang nalalabi, subalit isang bucket ni Davis at isang 3-pointer ni James ang nagpalobo sa kalamangan sa 7 upang kunin ang panalo para sa Lakers.

SAN ANTONIO 127, GOLDEN STATE 110

Naitala ni Patty Mills ang lima sa kanyang game-high 31 points sa 10-0 burst sa huling bahagi ng third quarter nang gibain ng bumibisitang San Antonio Spurs ang Stephen Curry-less Golden State Warriors.

Makaraang ianunsiyo na posibleng hindi makapaglaro si Curry sa loob ng tatlong buwan makaraang sumailalim sa operasyon sa kanyang nabaling kaliwang kamay, nilamangan ng Warriors ang Spurs sa ikalawang minuto ng third quarter at kumapit sa 83-79, may 3:20 ang nalalabi sa period, bago umatake ang San Antonio.

Sinindihan ni DeMar DeRozan ang run  sa pamamagitan ng 3-point play, nagdagdag si Rudy Gay ng isang hoop at sinundan ito ni Mills ng 3- at 2-pointers, na nagbigay ng 14-point cushion at nagbigay-daan sa ika-4 na panalo ng Spurs sa limang laro.

Nakalapit lamang ang Golden State, na nanatiling walang panalo sa tatlong home games, sa siyam na puntos sa fourth quarter.

MILWAUKEE 123, ORLANDO 91

Humataw si Giannis Antetokounmpo ng double-double upang pangunahan ang bumibisitang Milwaukee laban sa Orlando.

Nakontrol ng Bucks ang unang paghaharap nila ng Magic ngayong season sa pag-outscore sa hosts, 31-14, sa second quarter tungo sa 62-41 halftime lead.

Nagsalansan si Antetokounmpo ng 29 points, 14 rebounds at 6 assists para sa Milwaukee, na bumawi mula sa 116-105 loss sa Boston noong Miyerkoles.

Umiskor si Eric Bledsoe ng 18 points at nagdag­dag si Khris Middleton ng 16.

BROOKLYN 123, HOUSTON 116

Kumamada si Taurean Prince ng season highs na 27 points at 12 rebounds at binura ng Brooklyn Nets ang 15-point deficit upang gapiin ang bumibisitang Houston Rockets noon Biyernes ng gabi.

Umangat ang Nets sa 2-3 at rumesbak mula sa 10-point loss sa Indiana noong Miyerkoles.

Nagdagdag si Caris LeVert ng 25 points para sa Nets, na bumuslo ng 49.4 percent at hindi pinangunahan sa scoring ni Kyrie Irving sa unang pagkakataon ngayong season. Tumapos si Irving na may 22 points at 10 assists upang iposte ang kanyang unang double-double bilang isang Net.

Nagbuhos si James Harden ng 36 points para sa Rockets subalit nahirapang makuha ang kanyang shooting rhythm.

Comments are closed.