JAMES YAP BALIK-PBA

MULING maglalaro sa PBA si two-time Most Valuable Player James Yap, ayon kay Commissioner Willie Marcial.

Si Yap ay nagbakasyon noong nakaraang season upang mag-concentrate sa kanyang kampanya habang tumatakbo bilang San Juan City councilor. Nanalo siya sa eleksiyon kasama sina fellow PBA players Paul Artadi at Don Allado upang samahan ang grupo ni re-elected Mayor Francis Zamora.

“Maglalaro si James Yap and sabi niya sa akin, by next conference,” ani Commissioner Marcial. “Ang sinabi niya sa akin, may usapan na sila (ng Rain Or Shine).”

Ayon kay Yap, nag-aalangan siyang bumalik agad dahil hindi siya nakapaglaro sa nakalipas na siyam na buwan.

Bago ang simula ng bagong season ng PBA, si Yap ay nag-work out kasama ang kanyang Italian football trainer na si Alfredo Vergori.

“Hindi ako babalik kung alaganin condition ko. Medyo matagal rin akong walang laro, nine months,” dagdag ni Yap.

Nauna nang sinabi ng Rain or Shine na laging bukas ang management sa pagbabalik ni Yap.