JAMES YAP BOKYA SA UNANG LARO

on the spot- pilipino mirror

SINABI ni coach Caloy Garcia na hindi 100 percent ang laro ng beterano nilang  si James Yap kung saan may iniinda ito sa kanyang tuhod. Katunayan, pitong araw na hindi ito nakasama sa kanilang practice para sa paghahanda sa laro nila kontra San Miguel Beer. Kaya nga nang magtapat ang dalawang team nitong Martes ay hindi nakaiskor ang Batang Escalante.

Nagamit ni coach Garcia si Yap ng 11 minutes, sa  anim na attempts nito ay walang pumasok. Ngayon lang namin napanood na bokya si James at madalas siya ang nangunguna sa team. Umaasa  ang Rain or Shine na sa susunod na laro nila laban sa Terra Firma Dyip sa Friday ay magiging  maayos na ang injury ni King James upang makatulong siya sa team.

Nagpapasalamat ang mga team owner ng ROS na sina Mr. Raymund Yu at Mr. Terry Que sa magandang ipinakita ni Ray Nambatac na siyang sumaklolo sa Elasto Painters upang maiuwi ang unang panalo kontra San Miguel Beer, 87-83.

Isang malakas na bomba ang pinasabog ni Nambatac upang sagutin ang 3 points na ginawa ni Beermen Terrence Romeo  para  maibaba ang kalamangan  ng ROS sa isang puntos, 84-83. Noong una ay may kamalasan itong si Ray, ayaw makisama ang bola sa kanya. Sa bawat pukol ng bola nito sa tatlong quarter ay hindi makuha ang suwerte. Buti na lamang noong kinailangan ang puntos niya ay nakisama na ang suwerte sa kanya. Hindi magkandaugaga ang mga player at coaching staff, kasama ang utility boys sa panalo ng team.

Si Jayvee Mocon naman ang nahirang na ‘best player of the game’ sa kinamadang 25 points.

o0o

Congrats din sa San Miguel Beer dahil hindi sila nagpabaya sa laro. Kahit sa huling sandali ay lumaban ito nang sabayan. Nanginig muna ang mga tuhod ng ROS bago naiuwi ang unang panalo. Iba rin talaga kapag may June Mar Fajardo ka sa team, malaking bagay na may higante ka sa loob. Maganda ang ipinakita nina Arwind Santos, Chris Ross, Marcio Lassiter, Alex Cabagnot, at Terrence Romeo. Bawi na lang sa next game laban sa TNT Tropang Giga.

o0o

Saludo tayo kay Albert Bordeos, player ng UST Growling Tigers, na kahit isa siyang basketball player at nagmomodelo ay hindi siya nahi-yang magtinda ng karne sa palengke ng Pasig para tulungan ang kanyang ina. Nag-trending ang pagtulong ni Bordeos sa pagtitinda ng karne. Takaw pansin kasi ang Growling Tigers player sa kanyang pagiging tindero. Guwapo, matangkad at maskulado. Sa kanyang Instagram ay sinabi ng player na hindi na bago sa kanya ang magbantay sa palengke dahil ito ang kabuhayan ng kanilang pamilya.

Comments are closed.