WISH pala ni Janine Gutierrez na ang dalawang lola niyang sina Pilita Corrales at Nora Aunor ang kumanta ng wedding song sa kasal ng mommy niya this December. Nalaman daw kasi niyang nagkausap na ang kanyang Mamita Pilita at ang Mama Guy (Nora Aunor) niya. At masaya siyang malaman iyon.
Bukod kasi sa taping ng “Victor Magtanggol” at shooting ni Janine ng “Elise” sa Regal Films with Enchong Dee, tinutulungan niyang maghanda pa-ra sa garden wedding ang Mommy Lotlot niya.
ALDEN KINABIBILIBAN NG MGA KASAMA DAHIL SA TIYAGA AT DEDIKASYON SA TRABAHO
IBA talagang magtrabaho at makisama si Alden Richards sa taping nila ng kanilang action-drama-fantasy series na “Victor Magtanggol.” Ang mga kasama niya, bilib na bilib sa dedication niya sa trabaho. Mabait daw at simple lamang si Alden, walang reklamo. Nagulat pa sila na hindi pala siya humingi ng cut-off sa production kahit siya ang bida. Sa pagpapalit-palit daw lamang ni Alden ng costume, sila raw ang napapagod para sa kanya.
“Motivation ko na po ang pagpunta sa taping, lagi akong looking forward na makasama ko sila muli,” sabi ni Alden. “Nagustuhan ko na po kasi ang mag-action, hindi na ako takot gumawa ng mga stunt at sinasabi ko nga kina Direk Dom Zapata, na as much as possible, gusto ko na ako ang personal na gagawa ng mga stunt ko. Tiwala po ako sa stunt director ko at sinisiguro muna niya na safe bago ko gawin ang eksena.
“Masaya na po ako kapag magaganda ang feedback na natatanggap ko mula sa viewers. Worth it po iyon kaysa ratings. Kaya naman kapag nagsu-shoot kami ang mga viewer ang nasa isip ko kung magugustuhan ba nila ang ginagawa ko. Nakatutuwa po kapag may mga batang dumarating sa set at natutuwa sila kapag nakikita nila akong ginagawa ko ang stunts. Like po iyong back lift ko as Hammerman, ginawa ko iyon na hindi ko na inisip dahil naka-harness naman ako at nagawa ko naman daw nang maayos sabi ng stunt director ko.”
Natanong si Alden kung mawawala na ba talaga ang character ni John Estrada, bilang si Loki. Last Tuesday evening kasi napatay na si Loki ni Modi (Pancho Magno) matapos nilang labanan ito at ang malaking ahas na anak nito.
“Hindi ko pa po alam kung talagang patay na siya. Pero ang alam ko po ay may mga cast na babalik at marami pang papasok na mga special guest. Hindi ko pa rin po alam kung tuluyan ko nang iiwanan ang pagiging si Hammerman. Looking forward po ako sa mga susunod na eksena namin. Wala pa rin silang sinasabi kung hanggang kailan pa ang “Victor Magtanggol.”
Aminado si Alden na kulang siya sa tulog, dahil kahit umaga na siya umuwi mula taping, nagri-report pa rin siya sa “Eat Bulaga.”
“Babawi na po lamang ako sa Christmas vacation namin ng family ko sa USA. Nabigyan po ako ng 10 days vacation, pero kailangan ko pong bumalik bago ang New Year’s countdowan sa December 31. Panata ko na po iyon since pumasok ako sa showbiz.”