NALAMPASAN ng Bureau of Customs (BOC) ang collection target nito para sa unang buwan ng 2024.
Ayon sa BOC, nakakolekta ito ng P73.329 billion revenue noong Enero, mas mataas ng 2.16% o P1.550 billion sa target nito na P71.779 billion para sa buwan. Ang koleksiyon ng ahensiya noong nakaraang buwan ay mas mataas din ng 3.88% kumpara sa kaparehong buwan noong nakaraang taon.
“This notable increase is attributed to the Bureau’s improved system of determining the customs value of imported goods, strengthened border protection, and concrete trade facilitation efforts,” ayon sa BOC. Sinabi ni BOC Commissioner Bienvenido Rubio na nakahanda ang Customs na paigtingin pa ang koleksiyon nito ngayong taon.
“We are committed to working twice as hard to ensure that we not only meet but exceed our year-end revenue target,” ani Rubio.
Ang BOC ay inatasang mangolekta ng P1 trillion ngayong taon habang kailangan ng Bureau of Internal Revenue na makakolekta ng P3.05 trillion upang makamit ang kabuuang revenue target ng pamahalaan na P4.3 trillion.