BINALEWALA na nga ang Joint Administrative Order (JAO), tahasan pa ang paglabag sa health and safety protocols ng Inter-Agency Task Force (IATF) na ginawa umano ng Women’s National Basketball League-Pilipinas (WNBL) at ng bagong tatag na FilBasketball nang makapaglabas-pasok sa ‘bubble’ ng liga si coach Justin ‘Jai’ Tan.
Batay sa ulat ng isang sports online site, ginabayan ni Tan ang Glutagence sa 51-68 kabiguan laban sa Taguig Lady Generals sa elimination round ng WNBL nitong Linggo sa Bren Z. Guiao Convention Center sa San Fernando, Pampanga.
Mula sa Pampanga, bumiyahe si Tan patungong Subic Bay sa Zambales para pangunahan naman ang 7A Primus laban sa Muntinlupa Defenders, 84-74, sa pagsisimula ng FilBasketball sa SMBA Gymnasium.
Kapwa isinasagawa ang liga sa isang ‘bubble’ set-up.
Ayon kay Games and Amusements Board (GAB) Chairman Abraham ‘Baham’ Mitra, klaro ang paglabag ni Tan at ng mga liga sa ipinatutupad na health and safety protocols sa isang bubble set-up na pinapayagan ng IATF.
“Kinausap ko na ‘yung ating professional basketball department at medical team to check on this. We have to investigate para malaman natin kung ano ang dahilan nila at sino ang dapat nating papanagutin sa naturang paglabag,” pahayag ni Mitra.
“Ipinapaunawa po natin sa lahat na kahit mababa na ang alert level sa maraming lugar, andyan pa rin po ang COVID-19 at vulnerable pa rin tayong lahat sa hawaan kaya kailangan ang masinsin na pag-iingat at pagsunod na ipinatutupad na alituntunin,” sabi ng dating Palawan governor at congressman.
Sa dalawa, ang WNBL ang may direktang pananagutan sa GAB dahil sa pagiging professional league nito, habang ang FilBasketball ay isang amateur league na nakapagbukas ng liga sa kabila ng kawalan ng awtorisasyon sa Philippine Sports Commission (PSC).
Batay sa JAO na nilagdaan ng GAB, PSC at Department of Health (DOH), papayagan ang unti-unting pagbubukas ng sports batay sa panuntunan na ipatutupad at mapagkakasunduan ng GAB sa professional level at PSC sa amateur sports.
Sa kasalukuyan, tanging mga liga sa PBA, Vismin Super Cup, volleyball, football, 3×3 basketball, boxing promotion na nasa pangangasiwa ng GAB ang napayagang magbukas sa ‘bubble’ setup, habang ilang sports pa lamang ang pinayagan ng PSC na makabalik sa ensayo sa Clark at Baguio City.
“Kahit sabihin nating fully-vaccinated na ang isang tao, hindi ito assurance na hindi siya tatamaan ng COVID-19 and eventually maging spreader ng virus. Napakadelikado po nito. Going from one place to another at makikisalamuha sa ibang tao,” ani Mitra.
Sa ilalim ng ‘bubble’ set up na pinapayagan ng IATF sa pangangasiwa ng GAB, kailangang nasa loob lamang ng isang lugar ang lahat ng mga sangkot sa liga at bukod sa bakunado ang lahat, kailangang dumaan sa regular antigen test ng COVID-19.
Matatandaang natigil ang mga laro ng TNT sa bubble ng PBA sa nakalipas na season nang magpositibo ang ilang players, habang hindi naman pinaglaro habang hindi natatapos ang 14-day quarantine ng mga players na nagpositibo sa Premier Volleyball League (PVL) sa Ilocos Norte. EDWIN ROLLON