JAPAN PAUUTANGIN ANG PH NG $202-M PARA SA MINDANAO ROAD PROJECT

Locsin and Kono

PAUUTANGIN ng Japan ang Filipinas ng $202 million para sa konstruksiyon ng mga kalsada sa conflict-affected areas sa Mindanao.

Lumagda sina Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin, Jr. at Japanese Foreign Minister Taro Kono sa isang bilateral agreement kahapon sa Davao City, kung saan nangako ang Japan International Cooperation Agency na magkakaloob ng pondo para sa Mindanao Road Network Project.

Ayon kay Locsin, ang road development project ay naglalayong magkaroon ang mga residente sa conflict-affected areas ng mas madaling access sa mga kalapit na lungsod na may ospital at eskuwelahan, bukod pa sa palalakasin nito ang economic activities sa rehiyon.

Aniya, nakapokus ang gobyerno sa Mindanao para sa ikauunlad ng mga mamamayan nito.

“Japan is in the forefront of the road to the realization of Mindanao’s important step towards a great promise,” anang DFA chief.

Dagdag pa ni Locsin, ang road project ay isang mahalagang hakbang tungo sa layuning bigyang-daan ang mga komunidad, lalo na ang Bangsamoro people na naapektuhan ng armadong tunggalian, na matamasa ang pakinabang ng kapayapaan.

Sa kanyang panig, sinabi naman ni Kono na suportado nila ang ratipikasyon ng Bangsamoro Organic Law noong nakaraang buwan.

Sinabi niya na tuloy-tuloy ang pagsuporta ng kanyang bansa sa Mindanao peace process, mahigit 10 taon na ngayon.

“Japan will contribute to the developing the road network in Mindanao to improve access to schools and hospitals and revitalizing the eco-nomic activities,” aniya.

“Japan will support efforts to ensure peace and stability,” sabi ni Kono, at idinagdag na aayuda rin ito sa paglikha ng trabaho at pag-angat ng kabuhayan ng mga mamamayan sa Mindanao, kabilang ang mga dating combatants ng  Moro Islamic liberation Front (MILF).

Nangako rin ang Japan na tutulong sa capacity building ng transitional authority at sa maayos na implementasyon ng decommissioning at disarma-ment ng MILF combatants dahil krusyal na hakbang ito sa peace process.

“Japan is ready to extend support to the peace process,” ani Kono.

Tinalakay rin nina Locsin at Kono ang bilateral at pinalakas na economic cooperation sa pagitan ng dalawang bansa.    PNA

Comments are closed.