JAPANESE FOE TARGET NI SULTAN SA KANYANG SUSUNOD NA LABAN

TARGET ni newly-crowned WBO Intercontinental bantamweight champion Jonas Sultan na makasagupa sa susunod niyang laban si Japanese champion Naoya Inoue.

“Gusto ko ‘yung foreigner tulad ni Naoya Inoue,” wika ng 29-year-old native ng Zamboanga del Norte sa online edition ng Philippine Sportswriters Association (PSA) Forum kahapon.

Si Sultan ay galing sa four-knockdown unanimous decision laban sa dating walang talong si Puerto Rican Carlos Caraballo sa New York, at pinapangarap ang isang world title fight para sa kanyang susunod na laban.

Partikular na binanggit ng Pinoy boxer na may 18-5-0 record — 11 knockdowns — si Inoue, ang WBA at IBF champion sa 118 pounds, bilang kanyang target kapag nagkaroon ng pagkakataon sa world title.

Dalawang iba pang Pinoy ang may hawak ng belts sa stacked division — John Riel Casimero bilang WBO king at four-division world champion Nonito Donaire Jr. sa WBC.

Bagama’t sinabi ni Sultan na wala siyang iniiwasang boksingero, mas gusto niyang makaharap ang isang dayuhan para sa world title.

“Mas maganda lang kung foreigner. Mas todo bigay. Iba kapag Pinoy kaya hanggang maaari, huwag muna,” pahayag ni Sultan sa forum na itinataguyod ng San Miguel Corporation (SMC), MILO, Amelie Hotel Manila, Braska Restaurant, Daily Tribune at ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR).

Subalit sinabi niyang hindi siya mag-aalinlangan na labanan si Casimero o Donaire kung ito ang gusto ng kanyang  manager na si Junie Navarro at promoter Sean Gibbons.

“Pero kung mandatory na talaga, wala naman ayawan at lalaban ako. Wala ako aatrasan,” ani Sultan, na naka-quarantine sa Manila sa kanyang pagdating mula New York.