JAPANESE FOOD NA PANG MASA ANG PRESYO (Matatagpuan sa Victory Food Market sa Baclaran)

JAPANESE FOOD-3

HINDI ko inasahan na sa Baclaran, may isang lugar kung saan magugulat ka dahil sa set-up nito at maging sa mga pagkaing kanilang inihahandog. Hindi lamang katakam-takam ang kanilang mga pagkain, maeengganyo ka rin sa preparasyon.

Ang tinutukoy ko ay ang Victory Food Market sa Baclaran. Sa lugar na ito, matatagpuan ang Yokocho, isang Japanese restaurant na pang masa ang presyo. Kapag nakapunta ka rito, tila ba nakarating ka na at natikman mo na ang iba’t ibang putaheng ipinagmamalaki ng bansang Japan.

SIKAT NA PAGKAIN SA JAPAN, DINALA SA FILIPINAS

Sa ngayon ay maraming Filipino ang nahihilig sa Japanese food. At isa nga sa kagandahang ginawa ng Victory Food Market ay ang pagdadala ng Japanese food sa bansa sa abot-kayang halaga. Kapag sinabi mo nga namang Japanese food, karugtong na nito ang pagiging mahal ng presyo. Pero sa Yokocho, mas lalo nilang inilapit sa masa ang Japanese food sa paghahandog nito sa abot-kayang halaga.

Mayroon ditong sampung stall na nagbebenta ng Japanese item. Bawat stall ay may kanya-kanyang ipinagmamalaking putahe at nire-represent na bansa. Kumbaga kung ano iyong ipinagmamalaki ng bawat lugar sa Japan, mayroon nito sa bawat stall.

Ilan sa mga maaa­ring matikman sa Yokocho ay ang ramen na sikat sa Hakata at takuyaki na kilala naman sa Osawa. Matitikman dito ang gyoza na sumikat sa Tokyo.

Mayroon din silang idi­nagdag sa kanilang koleksiyon, ang halal friendly.

Dito rin ay makabibili ka ng Japan surplus at over run.

May mga nakahanda rin silang Japanese costume na maaari mong gamitin sa pagpapakuha ng litrato.

PRESYO NG PAGKAIN, TALAGANG PANG MASA

Hinding-hindi mo pagsisisihan ang mga pagkain sa Yokocho. Bukod sa babalik-balikan mo ang kakaibang lasa nito, abot-kaya lang din ito sa bulsa.

“Ang pinakamura namin dito ay P50 at ang pinakamahal naman, P250. Susunod na rito ang unli grill na 399,” ayon kay Jake Akazawa, ang owner-partner ng Victory Food Market.

Wala rin umanong oras ang kanilang unlimited grill sa halagang P399. Kaya’t kahit na maghapon kang manatili roon, puwedeng-puwede at sulit na sulit.

Puwede raw magpa-reserve. Maaari rin namang walk in.

“Pero kapag Wednesday at Sunday, sa rami ng tao ay hindi kami nakakapag-reserve, first come first serve kapag busy talaga,” wika pa ni Akazawa.

IBA PANG ATRAKSIYON SA VICTORY FOOD MARKET

Bawat floor sa Victory Food Market ay mayroong ipinagmamalaki. Halos lahat na yata ng kailangan o kinahihiligang pagkain ng kahit na sino, matatagpuan sa nasabing lugar.

Kung ang 4th floor ay nakalaan sa Japanese food at Japan surplus, ang 5th floor naman ay para sa mga mahihilig sa Filipino Food at paluto.

Sa mga mahilig naman sa inuman kasama ang pamilya at barkada, puwede naman sila sa al fresco sa 6th at 7th floor. Nagbubukas ito ng 5 ng hapon hanggang 2 in the morning.

Sa 7th floor, para kang nasa Antipolo dahil masisilayan mo ang nakabibighaning tanawin.

May kids camp din sila tuwing Linggo.

Ayon pa kay Racal, sa pamamagitan ng “word of the mouth” ay hindi na mabilang ang kanilang kostumer.  CHE SARIGUMBA / mga kuha ni RUDY ESPERAS

Comments are closed.