JAPANESE IDINEPORT NG BI

Jaime Morente

IPINA-DEPORT ng Bureau of Immigration (BI) ang isang Japanese na pinaniniwalaang miyembro ng Yakuza syndicate at pugante sa kanilang bansa.

Kinilala ni Immigration Commissioner Jaime Morente ang dayuhan na si Katsumi Ohno, 71-anyos, kung saan sinamahan ito ng  Japanese Police at ng Immigration officers papasok sa loob ng eroplano.

Si Ohno ay umalis bandang alas-9:27 ng umaga sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 3 sakay ng Nippon Air flight NH-820, pa­puntang Narita, Japan.

Ayon sa impormas­yon, si Ohno ay naaresto ng mga tauhan ng Immigration Fugitive Division noong Setyembre 30 sa Roxas Blvd. sa Pasay City.

Ang pagkaka-deport kay Ohno ay bahagi ng pakiusap ng Japanese Embassy rito sa Maynila noon pang Pebrero at ang Japanese Embassy rin ang nagbigay ng impormasyon sa kinaroroonan ng suspek.

Nabatid na itong pugante ay mayroong na­kabinbing warrant of arrest sa Japanese Court dahil sa mga kasong fraud, ngunit hindi idinetalye ng embahada ng Japan ang tungkol sa pagiging fugitive nito.

Ayon sa BI, si Ohno ay hindi na muling makababalik sa bansa dahil nakasama na ang kanyang pangalan sa mga blacklisted na dayuhan. FROI MORALLOS