JAPANESE NABIKTIMA NG SALISI GANG SA NAIA

PASAY CITY – NAUDLOT ang pag-alis ng isang Japanese sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) kahapon matapos mabiktima ng bagong grupo ng kababaihang Salisi gang sa departure area ng NAIA-Terminal 1.

Ayon sa pahayag ng biktima na si Tetsuya Makita, 58-anyos, ­patungo siya sa ­Narita, Japan at pasakay sa kanyang flight JL-742 nang biglang naglaho ang kanyang bag habang nag-aantay siya sa kanyang flight  sa lobby ng NAIA Terminal 1.

Agad na idinulog ng biktima sa Airport Police Department para i-report ang pagkawala ng kanyang bag na ninakaw umano ng tatlong kababaihan sa lobby ng NAIA kung saan siya nakatayo  habang naghihintay ng kanyang flight.

Ayon kay NAIA Airport police chief  Jaime Estrella, nakita niya na nakatayo si Makita  habang naghihintay sa kanyang flight nang lapitan ng tatlong magagandang babae at tinanong kung anong oras na.

Habang nag-uusap ang biktima at mga suspek, hindi namalayan na dumaan sa likod ang ibang kasamahan ng kausap na babae at hindi niya napansin na kinuha ang kanyang bag sa likod.

Makalipas ng ­ilang minuto, ang tatlong suspek ay nawala saka natuklasan ng dayuhan na nawala na ang kanyang bag na naglalaman ng cellphone, DVD airline tickets at 50,000 yen.

Nakahingi naman agad ng tulong si Makita sa Japanese Embassy para sa kanyang travel  document upang maka­uwi na ito pabalik sa kanilang bansa.

Kaugnay nito, umapela  si Manila International Airport ­Authority (MIAA) Ge­neral Manager Ed Monreal sa lahat ng pasahero na maging alerto sila habang sila ay nasa terminal ng paliparan upang maiwasan na mabiktima ng anumang grupo tulad ng Salisi gang. FROI MORALLOS

Comments are closed.