CAVITE- MASUSING iniimbestigahan ngayon ng mga awtoridad ang ginawang pagpapakamatay ng isang Japanese businessman na natagpuan nakabitin sa kisame ng kanyang tinitirhan na nasa 3rd floor sa Bacoor sa lalawigang ito.
Kinilala ng pulisya ang biktima na si Iramoto Yamasaki, 79-anyos na residente ng 1K2 Bldg. , Villa Maria Subd. Barangay Molino 3, Bacoor City, Cavite.
Ayon sa ilang residente, si Yamasaki ay nagmamay- ari ng ilang establisimiyento sa Cavite na isa- isang nalugi at hindi na kumikita.
Sa ginawang pagsisiyasat ng Bacoor PNP, dakong ala-5:30 Sabado ng hapon nang makatanggap ng impormasyon kaugnay sa ginawang pagpapatiwakal ng isang dayuhan.
Sinabi ni Col. Vicente Cabatingan, Bacoor chief of police na mabilis niyang inatasan ang kanyang investigation team para malaman ang sanhi ng insidente.
Ayon sa pahayag ni Mary Jane Gracioso, asawa ni Yamasaki, ilang araw ng hindi kumikibo ang kanyang asawa at palagi umano nitong sinasabi ang pagkalugi ng kanyang mga negosyo.
Aniya, hindi rin daw niya akalain na magpapakamatay ang kanyang asawa dahil masayahing tao ito.
Natagpuan sa lugar ng insidente ang isang electric wire na ginamit ng biktima sa kanyang pagpapatiwakal.
Inaalam pa ng Bacoor Police team kung may foul play sa nasabing suicide. ARMAN CAMBE