JARAMILLO SUSUNOD SA YAPAK NI DIDAL

Skateboarding

HINDI na kailangang maghanap ang bansa ng susunod na Margielyn Arda Didal, ang 2018 Asian Games street skateboard gold medalist at pinakabagong Pinay sports icon, ayon kay Skateboarding and Roller Sports Association of the Philippines, Inc. president Monty Mendigoria.

“Princess Jaramillo could be our next Margie. She definitely has that potential,” wika ni Mendigoria sa kanyang pagbisita sa Philippine Sports Association (PSA) Forum kahapon sa Amelie Hotel-Manila.

Tubong Dasmarinas, Cavite, si Jaramillo, 23, ay runner-up kay Didal sa pagtala ng 24.57 points laban sa 28.73 points ng huli sa women’s street finals ng  National Skateboarding Championships na idinaos noong weekend sa Barangay Tapo, Sta. Rosa, Laguna.

“Gusto ko po talagang maging miyembro ng national team. ‘Yun po ang pangarap ko,” wika ni Jaramillo, na sumabak sa street skateboarding sa edad na 16 makaraang mayaya sa sport ng male streetboarders sa kanyang Paranaque neighborhood.

“I have witnessed Cess (Jaramillo’s nickname) for quite some time. What I admire about her just like Margie is her consistency,” wika ni Mendigoria, at idinagdag na kailangan pa ring dumaan si Jaramillo sa screening process upang makapasok sa national team sa 30th Southeast Asian Games kung saan lalaruin ang skateboard sa unang pagkakataon bilang medal sport.

Dalawang entries lamang ang papayagan sa bawat isa sa walong events – apat sa men’s at apat sa women’s divisions- na kabilang sa skate-boarding sa 30th SEA Games, kung saan seeded na sina Didal at Fil-Am Christiana Means sa street skateboard competitions.

“If Ces doesn’t make the cut, she definitely be a part of our national pool because, as we said, we would like to groom a new generation of Margie Didals,” dagdag ni Mendigoria.

Kasalukuyang isang dental technician na gumagawa ng protective mouthguards, sinabi ni Jaramillo na nag-eensayo siya matapos ang trabaho sa isang makeshift street skateboard park kasama ang iba pang enthusiasts malapit sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 3 sa Pasay City.

“Ang favorite ko pong trick is the 50-50 explosive grind,” anang petite skateboarder. CLYDE MARIANO