JARENCIO BALIK-UST

MAGBABALIK si Pido Jarencio bilang coach ng University of Santo Tomas sa UAAP men’s basketball tournament.

Si Jarencio ay pormal na ipinakilala kahapon bilang Growling Tigers coach sa UST Quadricentennial Pavillion Arena.

Ayon sa UST, ang appointment ni Jarencio ay epektibo noong Miyerkoles.

Kilala sa kanyang mantra “Pride, Puso, Palaban!”, si Jarencio ay may 66-62 win-loss record para sa Growling Tigers sa kanyang walong seasons sa UAAP. Sa naturang panahon, ang UST ay anim na beses na pumasok sa Final Four , at tatlong beses sa Finals.

Pinalitan ni Jarencio si UST legend Bal David, na nag-resign, dalawang linggo na ang nakalilipas, matapos ang forgettable 1-13 campaign sa Season 85 noong nakaraang taon upang tumapos sa eighth at last place.

Kabilang sa key holdovers mula sa roster noong nakaraang taon sina Nic Cabañero, na magiging ikatlong coach si Jarencio sa loob ng wala pang isang taon, at Adama Faye, gayundin sina young players Echo Laure, Kenji Duremdes at Richi Calimag.

Si Japs Cuan, naging bahagi ng Growling Tigers 2006 championship team, ay magiging bahagi ng coaching staff ni Jarencio. Si interim NorthPort coach Bonnie Tan ang magiging team consultant, habang sina Waiyip Chong at Eric Ang ang team managers.