JASMINE CURTIS SMITH, JOHN LLOYD CRUZ MAGKAPARTNER SA QCINEMA

Kasama pala si Jasmine Curtis Smith sa QCinema International Film Festival sa pelikulang Moneyslapper, at kapareha niya si John Lloyd Cruz.

Una raw nakasali ang Kapuso star sa QCinema noong 2020 pero online lang dahil kasagsagan noon ng COVID-19, kaya ngayong 2024 ang unang beses niyang magiging parte ng QCinema International Film Festival na face-to-face. Unang beses din daw niyang makakasama sa pelikula si John Lloyd, at very, very challenging daw ito sa kanya.

“Tuwing makaka-work ko yung mga tulad nilang calibre ang level—John Lloyd Cruz, Piolo Pascual—of course, there’s a different range of abilities and skills na ako, I guess dinadaanan ko pa lang, bini-build up ko pa lang, na sila talaga mastered na nila iyan,” aniya.

May love scene sina Jasmine at John Lloyd sa Moneyslapper kaya careful daw sila sa mga eksenang maseselan. Napaka-gentleman naman daw ni John Lloyd nang kunan ang kanilang intimate scene.

Ang QCinema 12 ay gaganapin mula Nobyembre 8 to 17, 2024 at mapapanood sa mga piling sinehan tulad ng Gateway Cineplex 18, Ayala Malls Cinema sa TriNoma, Red Carpet sa Shangri-La Plaza, at Powerplant Mall.

Ang edisyon ng QCinema 2024 ay binubuo ng dalawang main competition sections: ang Asian Next Wave at QCShorts International.

Sa taong ito, mas pinaigting ang QCShorts na tampok ang Southeast Asian films, kasama ang anim na Filipino short film grantees sa kumpe­tisyon.

Kasama sa line up ng Asian Next ang Don’t Cry Butterfly ni Duong Dieu Linh (Vietnam, Indonesia, Philippines, Singapore), Grand Prize winner sa Venice Critics’ Week; Pierce ni Nelicia Low (Taiwan, Poland, Singapore), Best Director sa katatapos na Karlovy Vary Crystal Globe Competition; at Mistress Dispeller, isang feature documentary ni Elizabeth Lo (China, USA), winner ng NETPAC award for Best Asian Film sa Venice.

Mapapanood din ang Happyend ni Neo Sora (Singapore, UK, USA), Tale of the Land (Indonesia, Philippines, Qatar, Taiwan), winner ng Fipresci prize sa Busan; Viet and Nam ni Truong Minh Quy (Philippines, Vietnam, Singapore, France, Netherlands, Germany, Italy, USA), na itinampok sa Cannes’ Un Certain Regard; at ang Moneyslapper ni Bor Ocampo (Philippines) na magkakaroon ng world premiere.