MISMONG si Barangay Ginebra legend Robert Jaworski, Sr. ang magbibigay ng parangal sa magiging kampeon ng Ginebra 3×3 Tapang ng Tatluhan basketball tournament sa darating na Linggo, Hulyo 7 sa Araneta Coliseum.
Ang mananalo sa naturang torneo ay tatanggap ng cash prize na P250,000 at tropeo. Ang Ginebra 3×3 Tapang ng Tatluhan ang kauna-unahang nationwide grassroots basketball program ng Ginebra San Miguel at ng Philippine Basketball Association (PBA) para humanap ng basketball talents sa buong bansa.
Mas mahalaga ang torneo dahil ang 3×3 event ay kasama na sa 2020 Olympics.
May 16 na koponan mula sa Manila, Cebu, Davao, Caloocan, Quezon, Iloilo, Bulacan, Cagayan de Oro, Tarlac, Cavite, Samar, Rizal, Pangasinan, Batangas, Bataan at Pampanga ang magbabakbakan sa national finals sa Hulyo 5 sa Robinsons Place Manila. Ang top two teams ang papasok sa championship round.
Bukod sa 3×3 tournament, magkakaroon din ng slam dunk competition at 3-point shoot-out sa National Finals. Bawat kampeon ay mag-uuwi ng P10,000 cash prize at trophy.
Magkakaroon din ng meet and greet sa exhibit area kung saan makakasalamuha ng fans sina players Stanley Pringle, LA Tenorio at Mark Caguioa. Makikita rin ang iba’t ibang jersey ng team.
Para sa iba pang impormasyon, pumunta lamang sa Ginebra San Miguel official Facebook page www.facebook.com/barangayginebra o website www.ginebra.com.ph.