JAY SONZA NAGPIYANSA

MAKARAAN ang mahigit isang buwang nasa kustodiya ng awtoridad, nakalaya na sa pamamagitan ng paglalagak ng piyansa ang batikang broadcaster na si Jay Sonza.

Si Sonza na nakakulong sa Quezon City Jail ay pansamantalang pinalaya nitong Martes ng gabi.

Matatandaan, nitong Hulyo 18 nang arestuhin ang broadcaster ng mga tauhan ng Bureau of Immigration nang tangkain nitong lumabas ng bansa patungong Hong Kong.

Ito ay dahil may mga nakabinbing kasong libelo at umano’y estafa ang news personality.

Mula BI ay inilipat sa jail facility ng National Bureau of Investigation si Sonsa hanggang i-turn over sa Bureau of Jail Management and Penology kaya nakulong sa QC Jail.

Kinumpirma ni Jail Chief Inspector Jayrex Bustinera na nakapaghain ng piyansa sa Regional Trial Court 100 at RTC 215 si Sonza.

Binayaran nito ang mahigit P260,000 para sa 11 counts of estafa at nakatakda naman ang pre-trial nito sa Setyembre 13 para sa nasabing kaso.
PAULA ANTOLIN