JAYWALKERS SWAK SA NBI ALARM LIST

JAYWALKING

NAPAGKASUNDUAN ng Metro Manila mayors na ilagay ng Metropolitan Manila Development (MMDA) sa alarm list ng National Bureau of Investigation (NBI) ang mga lumabag sa ordinansa ng anti-jaywalking ng 17 local government unit  (LGU) ng Metro Manila.

Napagkasunduan din ng mga  alkalde  na i-deputize ang MMDA sa panghuhuli ng mga  lumalabag sa ordinansa ng anti-jaywalking ng mga LGU.

“Kami ay natutuwa na lahat ng LGU sa Metro Manila ay may ordinansa  kontra jaywalking. Hiniling namin sa LGUs na i-deputize ang mga tauhan namin para mas palakasin ang local ordinances,” pahayag ni MMDA General Manager Jojo Garcia matapos ang Metro Manila Council (MMC) meeting kahapon sa tanggapan ng MMDA.

Bilang mas mabigat na parusa, ang pangalan ng mga violator na bigong makapagbayad ng multa o makapag-community service ay ipadadala sa NBI para maisama sa kanilang alarm list.

“Kung isasawalang bahala lang ng mahuhuling jaywalker ang kanilang citation ticket maaari namin itong sampahan ng kaso sa paglabag sa lokal na ordinansa at isusumite namin ang kanyang pangalan sa NBI,” saad ni Garcia.

Inihayag pa ni Garcia na pipirmahan muna ng Metro Manila mayors na bumubuo sa MMC ang governing at policy-making body ng MMDA ang resolusyon bago ito maipatupad.

Sa kasalukuyan, ang MMDA ay may sariling anti-jaywalking policy kung saan iniisyuhan ng citation tickets na may multang P500 ang mga lalabag at maaari rin naman na magbayad ng multa o mag-community service ang sinumang mahuhuli.

Samantala, ang mga lokal na pamahalaan naman ay may kanya-kanya ring anti-jaywalking ordinances na ipinatutupad sa kani-kanilang mga lugar. MARIVIC FERNANDEZ

Comments are closed.