NAGBUHOS si Shai Gilgeous-Alexander ng 31 points upang pangunahan ang bisitang Oklahoma City Thunder sa pagputol sa six-game winning streak ng Utah Jazz sa pamamagitan ng 134-129 panalo Huwebes ng gabi sa Salt Lake City.
Isinalpak ni Jalen Williams ang 11 sa 14 shots para sa 27 points at nagdagdag ng 8 assists, at nag-ambag si Josh Giddey ng 20 points, 10 rebounds at 6 assists para sa Thunder na bumawi matapos ang dalawang pagkatalo sa Los Angeles.
Nakalikom si Collin Sexton ng 31 points at 7 assists at nagtala si Lauri Markkanen ng 26 points at 10 rebounds para sa Utah, na nabigong makumpleto ang paghahabol matapos na maagang malamangan nang malaki. Nag-ambag si John Collins ng 21 points.
Ikalawang pagkatalo pa lamang ito ng Jazz sa 11 games.
Nagsalpak si Cason Wallace ng career-high four 3-pointers upang umiskor ng 16 at nagsalansan si Chet Holmgren ng 15 points, 5 rebounds, 5 assists at 4 blocks para sa Thunder.
Bumuslo ang Oklahoma City, na hindi kailanman nalamangan, ng 55.8 percent overall — 43.8 percent (14-for-32) mula sa 3-point range — habang nagbigay ng 36 assists.
Timberwolves 118,
Grizzlies 103
Tumipa si Anthony Edwards ng 28 points sa 11-for-19 shooting, at umalagwa ang Minnesota Timberwolves para pataubin ang bisitang Memphis Grizzlies sa Minneapolis.
Si Edwards ay may 2 points lamang sa halftime bago pumutok ng 26 points sa second half para sa Minnesota, na nanalo sa ikalawang sunod na gabi at ng ika-4 na sunod.
Umiskor si Naz Reid ng 20 points mula sa bench para sa Timberwolves na umangat sa 17-2 sa home.
Nagposte si Rudy Gobert ng double-double na may 17 points at 10 rebounds para sa Minnesota. Nagtala rin si Mike Conley ng double-double na may 17 points at 10 assists.
Humataw si Jaren Jackson Jr. ng game-high 36 points sa 15-for-23 shooting upang pangunahan ang Memphis. Bumuslo si Luke Kennard ng 5 of 7 mula sa arc at tumapos na may 18 points para sa Grizzlies, na natalo sa tatlo sa kanilang huling apat na laro.
Na-outscore ng Timberwolves ang Grizzlies, 37-17, sa fourth quarter upang selyuhan ang panalo.
Knicks 113,
Wizards 109
Naitala ni Jalen Brunson ang 20 sa kanyang 41 points sa fourth quarter upang igiya ang host New York Knicks sa panalo laban sa Washington Wizards.
Naipasok ni Brunson ang 14 sa 27 shots mula sa floor at 11 of 13 mula sa free-throw line. Nagdagdag siya ng 8 rebounds at 8 assists upang tulungan ang Knicks na walisin ang kanilang three-game season series kontra Wizards. Gumawa si Brunson ng 32 points sa 120-99 panalo ng New York laban sa Washington noong Nov. 17 at nagdagdag ng 33 sa 121-105 win laban sa Wizards noong Jan. 6.
Nakakolekta si Julius Randle ng 21 points at 8 rebounds at nagsalpak si Donte DiVincenzo ng limang 3-pointers upang samahan si OG Anunoby sa pagkamada ng 19 points.
Kumalawit si Isaiah Hartenstein ng 17 rebounds para sa Knicks, na nanalo ng walo sa kanilang huling 10 games overall.
Tumabo si Jordan Poole ng 24 points para sa Wizards, na natalo ng walo sa kanilang huling siyam na laro.