JEEP, BUS BAWAL PA RIN KAHIT GCQ NA

BUS-JEEP-2

IPAGBABAWAL  pa rin ang  pagbiyahe ng mga pampasaherong  jeep at bus kahit isailalim na  sa general community quarantine (GCQ) ang Metro Manila.

Ito ang kabilang sa mga limitasyon na napagkasunduan ng 17 Metro Manila mayor sa kanilang pagpupulong nitong Martes.

Puwede naman nang bumiyahe ang mga taxi, point-to-point vehicles, TNVS, company-provided shuttle services at tricycles.

Ang  mga pribadong sasakyan na may higit sa isa ang sakay ay exempted naman  sa number-coding scheme ngunit ayon naman kay MMDA General Manager Jojo Garcia ay  kinakailangan pa nilang gumawa ng resolusyon para rito dahil mahigpit pa rin nilang ipatutupad ang physical distancing at pagsusuot ng mask.

“May konting concerns lang ang ating mga mayors, number one sa mass transportation. Sabi nga natin baka puwede iwas muna tayo because of health issues sa bus and jeepney or modern jeep,” pahayag ni  Garcia

Sinang-ayunan ng lahat ng 17 alkalde  na  bumubuo sa Metro Manila Council, na irekomenda sa Inter Agency Task Force na i-downgrade sa GCQ mula sa modified ECQ ang Metro Manila  simula sa Hunyo 1.

Napagkasunduan din sa pulong na papayagan pa rin ang mga lokal na pamahalaan na magpatupad ng lockdown kapag kinakailangan dahil sa mataas na  kaso ng COVID-19.

Sa kabila nito ay sinabi naman ni Metro Manila Development Authority ( MMDA) Chairman Danilo Lim  na depende pa rin ang lahat sa magiging desisyon ng task force.

Ipapaliwanag ni Lim sa task force ang inilabas na posisyon ng mga alkalde. PILIPINO MIRROR Reportorial Team

Comments are closed.