JEEP NAHULOG SA BANGIN: GROOM, 2 PA TODAS, 28 SUGATAN

MARINDUQUE- NAUWI sa trahedya ang masayang kasalan sa Torrijos sa lalawigang ito nang masawi sa aksidente ang groom at dalawang iba pa habang patungo sa lugar ng selebrasyon.

Kinilala ang nasawing groom na si Alan Roldan, 26-anyos, mechanical engineer at ang da­lawa pang kasama nito nang mahulog sa bangin ang kanilang sasakyang jeep.

Samantalang dinala naman sa hospital ang 28 nasugatan na pawang sakay din ng jeep.

Sa imbestigasyon ng pulisya, nabatid na ikinasal si Roldan sa bayan ng Sta. Cruz at patungo sana sa Barangay Banagan sa Torrijos kung saan gaganapin ang selebrasyon ng kasal.

Subalit, habang binabagtas nila ang daan sa Barangay Cagpo sa Torrijos ay nawalan umano ng preno ang jeep at nahulog ito sa bangin na nasa 20 talampakan ang lalim.

Nasa kustodiya ng pulisya ang driver ng jeep na si Roderick Ricardo na nahaharap sa patong-patong na reklamo. ARMAN CAMBE