JEEP SUMALPOK SA PUNO: 2 PATAY, 22 SUGATAN

BATANGAS-PATAY ang driver at isa pa nitong kasama habang 22 naman ang nasugatan matapos na bumangga sa puno ang sinasakyang jeep nitong Sabado ng hapon sa bayan ng Lobo sa lalawigang ito.

Sa report ng Batangas Provincial Police Office, binabaybay ng jeep na may sakay na mga bakasyonista ang kahabaan ng liko-likong kalsada ng Barangay Malabrigo, Lobo Batangas nang mawalan ng kontrol ang driver nito.

Una nang sinalpok ng jeep ang barikada ng naturang kalsada at pagkatapos ay sumalpok sa malaking puno na nasa kaliwang bahagi ng kalsada at opposite lane.

Namatay ang driver na kinilalang si Alberto Urriza, 54-anyos at ang pasahero nito na si Virgin Migo, 52-anyos habang isinusugod sa pagamutan.

Batay sa report galing ang mga biktima sa isang resort para sa bakasyon nitong Mahal Na Araw.

Dinala rin ang iba pang mga sugatan sa pinakamalapit na pagamutan para lapatan ng lunas bunga ng mga tinamong injuries.

Patuloy rin ang imbestigasyon ng pulisya kung bakit nangyari ang naturang aksidente. RON LOZANO